Matapos barilin si Ragos, mga sundalo susuriin sa utak

Ipinag-utos kahapon ni Philippine Army commander Lt. General Gilbert Gapay ang pag-check sa mental health ng mga sundalo matapos ang kaso ng pamamaril at pagpatay kay retired Army member Corporal Winston Ragos ng isang pulis sa quarantine checkpoint sa Quezon City.

Ayon kay Philippine Army Spokeperson Col. Ramon Zagala, gusto niyang matingnan ang kondisyon sa isip ng mga sundalo upang hindi na maulit ang naganap kay Ragos. Plano din ni Gapay na bumisita sa trauma risk management ng Philippine Army upang personal na bisitahin ang mga sundalong kasalukuyang nandoon.

“Ang utos ng ating commanding general ay hanapin pa ang mga katulad ni Corporal Ragos at bigyan ng pansin at tulungan,” pahayag ni Zagala sa isang panayam sa radyo.

“Pati na ‘yung programa namin within the organization na tumitingin sa mga nangyayaring post-traumatic stress disorder (PTSD), pinapa-review. Katulad ng aming pagtugon sa trauma risk management,” dagdag pa ni Zagala.

Matatandaang si Ragos ay napatay nang mabaril ni Police Master Sgt. Daniel Florendo sa quarantine checkpoint sa kahabaan ng Maligaya Drive, Barangay Pasong Putik nitong Abril 21 ng hapon.

Napag-alaman na dumating si Ragos sa nabatid na quarantine checkpoint at sigawan umano ang apat na police trainees na nagbabantay dahilan upang magsumbong ang mga ito sa kanilang team leader na si Florendo.

Pinauuwi na umano ng pulis si Ragos subalit hindi ito sumunod at nagpakilalang dating sundalo hanggang sa uminit ang sitwasyon at pinadadapa ng pulis ang sundalo subalit imbes na sumunod ay tila may hinugot umano sa dalang sling bag dahilan upang putukan ito ng dalawang beses ni Florendo.

Nasawi si Ragos habang ginagamot sa ospital habang kusang loob namang sumuko si Florendo sa kanyang opisyal at ngayon ay sinampahan na ng kasong homicide.

Napag-alaman sa kaanak ni Ragos na ito ay may sakit na schizophrenia at post traumatic stress disorder na nakuha niya sa mga engkwentro sa mga rebelde nang ito ay aktibong miyembro pa ng Philippine Army dahilan ng kanyang maagang pagreretiro.

Dahil sa pangyayari ay nagsagawa ng sariling imbestigasyon ang Philippine Army at hiningi nito ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) na siyang gumawa ng imbestigasyon.

“Sila na (NBI) nagha-handle ng investigation. We did our part by helping our retired soldier na sa tingin namin hindi nabigyan ng fair chance,” saad ni Zagala

“We don’t want to create any animosity with PNP, but we desire only is what is fair and what is the truth,” dagdag pa nito.

Kahapon ay hinatid na sa huling hantungan si Ragos sa Libingan ng mga Bayani at binigyan ng military honors sa kanyang pagkamatay. (Edwin Balasa)