Matapos tanggihan ng 6 ospital: Resulta sa pagkamatay ng magsasaka, nai-report na

Isinumite na ni National Bureau of Investigation -Nueva Ecija district office chief Pedro Roque noong Huwebes ang resulta ng imbestigasyon sa pagkamatay ng 65-anyos na magsasaka na mula Cabanatuan City na umano’y tinanggihang matingnan ng 6 na ospital sa lungsod.

Ayon kay Roque, ipinadala na via email kay NBI Director Dante Gierran ang report, isang araw na mas maaga sa ibinigay na deadline ni Justice Secretary Menardo Guevarra ukol sa pagkamatay noong Abril 10 ni Ladislao “Lading” Corrales Cabling, ng Brgy. Sta. Arcadia, Cabanatuan City.

Unang inireklamo ng mga anak ni Cabling ang hindi pagtanggap ng 6 na ospital sa lungsod sa pasyenteng nahirapan sa paghinga noong gabi ng Abril 9 hanggang nasawi kinabukasan sa tahanan nito.

Umamin si Roque na nahirapan sila sa pagsisiyasat dahil hindi makilala ang mga hospital personnel na nakausap ng mga complainant dahil mga naka-facemask.

“Inalam natin kung sino sino ang mga nakausap ng mga anak ng nasawi sa mga ospital kung authorized personnel ang mga ito. Pati na mga CCTV footages ni-review natin” ayon kay Roque.

Umaasa pa si Roque na magkakaroon ng karagdagang pagsisiyasat ang medical team ng NBI at maging ang mga taga DOH sa administrative aspect ng 5 pribado at 1 government owned hospital.

Naniniwala si Roque na may nagpabaya sa mga naireklamong mga ospital at ipinaubaya na lang sa higher-ups sa assessment sa kaniyang ginawang report. (Jojo de Guzman)