Matatag ang pagtitiwala

duterte-pagtitiwala

Nakapagtala ng record high ang consumer confidence sa bansa, alinsunod sa report ng Bangko­ Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ang naitalang record high consumer confidence ay resulta ng isinagawang consumer expectation survey ng BSP.

Alinsunod sa datos ng BSP, umakyat sa 9.2 percent ang naging pagtaas ng tiwala ng consumers­ dahil sa ilang mga kadahilanan.

Unang-una ay ang peace and order, sumunod ang maayos na polisiya ng gobyerno, inaasahang pagtaas ng sahod at ang dumadaming bilang ng may trabaho.

Kasama rin sa factor ay ang pagkilala ng mga mamamayan sa pagtulong ng pamahalaan sa mahihirap sa pamamagitan ng 4Ps o ang Pantawid Programa ng Pamilyang Pilipino.

Nakatulong din sa pagtatag ng tiwala ng consumers ay ang pag-upo ng bagong administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na maigting ang kampanya kontra iligal na droga, korapsyon at kriminalidad.

Ang mataas na kumpiyansa ng mga consumers sa bansa ay hindi maitatangging kakawing ang indikasyong mataas ding tiwala­ ng consumers sa gobyernong Duterte.

Kaya ang sa amin huwag sanang balewalain ang pagtitiwalang ito ng consumers o ng taumbayan sa kabuuan.

Bilang sukli mabigyan sana ang mga consumers o ang publiko ng mga benepisyo o polisiyang maghahatid ng ibayong pakinabang.