Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na unahing palayain ang mga matatandang presong maysakit at mga baldado na nananatili pa rin sa New Bilibid Prison (NBP).
Ito ay makaraang iparating ni Senador Bong Go sa Pangulo ang nakakaawang kalagayan ng mga matatandang preso matapos bumisita sa NBP.
Lalong nagalit aniya ang Pangulo kaya tiniyak na tatanggalin ang lahat ng sangkot sa pagpapatupad sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) scam.
“Nakarating na po ito kay Pangulo at sinabi niya tatanggalin niya lahat ang involved sa GCTA, at `yung next in rank ang hahalili habang under investigation ang mga sangkot sa anomalya,” ani Go.
Batay sa kuwento ng senador sa Pangulo, maraming mga matatandang preso ang dapat sana ay nakinabang na sa GCTA Law pero mas inunang palayin ang mga big time at may perang mga bilanggo.
Nakakaawa aniya ang mga presong nasa minimum security compound dahil bukod sa maysakit ay halos hindi na makakilala sa katandaan pero hindi pa rin napalaya.
Sinabi ni Go na inatasan na ng Palasyo si Justice Secretary Menardo Guevarra para i-review ang record ng mga matatandang preso na dapat ng mapalaya.
“Kinausap na po ang DOJ para tutukan ang mga matatandang preso. Kawawang-kawawa ang mga matatanda, naka-wheelchair na po, halos hindi na makakilala dahil sa sobrang tanda na nila,” dagdag pa ni Go.
Inaasikaso na aniya ng DOJ ang mga presong qualified na lumaya at bubuo na rin ang ahensiya ng task force para siyang umasikaso sa mga ito. (Aileen Taliping)