Matatanda, may sakit uunahin sa bakuna kontra COVID

senior-citizen

Bibigyang prayoridad ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga tinuturing na madaling dapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) kapag nagkaroon na ng gamot laban sa sakit na ito.

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa panayam ng Unang Hirit ng GMA Miyerkoles ng umaga kung saan inihayag nito na mayroon nang immunization plan ang pamahalaan para sa COVID-19.

“Mayroon na talaga tayong in place na vaccination plan. Kasi alam mo sanay naman na tayo na magbigay ng bakuna sa ating mga kababayan. So, mayroon na po tayong nabuong plano kung paano talaga i-implement ang vaccination,” ayon kay Roque.

“Doon sa plano mayroong mga uunahin, siguro ang uunahin particularly vulnerable. Alam po natin kung sino iyong mga vulnerable, ang mga matatanda pati po iyong mayroong tinatawag na comorbidity,” sabi ng kalihim.

Sa tanong kung ibibigay ba ng libre para sa lahat ang bakuna laban sa COVID-19, sinabi ni Roque na sasagutin ng gobyerno ang mga walng kakayahang magbayad.

“Those who can afford ay babayad; those who cannot afford, gobyerno po ang magbabayad,” ani Roque. (Prince Golez)