Talaga nga namang maiinis ka kung ikaw ay may transaksyon sa ahensyang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Napakabulok ng sistema ng LTFRB na hangad nating mabago sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Sa mga nakalipas na gobyerno ay naging mabagal at kumplikado ang sistema ng ahensya.
Kaya hangad nating masipat ito ng bagong talagang opisyal sa katauhan ni LTFRB Chairman Martin Delgra.
Napakaraming kaso sa ahensyang ito na talagang nilulumot na ang mga papel.
Maraming aplikante ng prangkisa sa taxi at iba pang uri ng pampasaherong sasakyan sa LTFRB ang halos mawalan na ng pag-asang maproseso ang kanilang mga nilalakad na mga dokumento.
Sa tingin ko ay hindi naman siguro tamang maghintay ng dalawang taon sa pagpoproseso ng mga papeles kagaya ng isang taxi operator na pinaghintay ng LTFRB ng kung ilang toan sa pakiusap lamang na i-extend ang validity ng franchise ng kanyang pinapasadang taxi.
Hindi ko na babanggitin ang kanyang pangalan baka mapag-initan pa siya. Nakabili raw siya ng taxi na meron nang prangkisa at nagpalit siya ng bagong unit at nag-request sa LTFRB ng extension of validity ng prangkisa at para mailipat ang nasabing prangkisa sa bagong sasakyan.
Naisumite naman niyang lahat ng requirements at nakailang beses bumalik para mag-follow up hanggang sa pinaasa ng LTFRB na for typing na raw ang nasabing aplikasyon at nabanggit na rin na naibalik sa legal at didinggin sa board hanggang sa naibalik na naman daw for typing.
Sa madaling salita paulit-ulit lang daw ang mga salitang ito mula sa LTFRB hanggang sa kasalukuyang buwan at taon ay wala pa rin daw nangyayari. Magdadalawang taon nang pa-sideline-sideline lamang ang mama para buhayin ang kanyang pamilya.
Isa lamang ito sa napakaraming sakripisyong pinagdadaanan sa LTFRB at sana sa ilalim ng gobyernong Duterte ay matapos na ito. Pero sa tingin ko ay kakayanin itong mawala dahil sa political will na ipinapamalas ng mga napiling mamuno sa nasabing tanggapan sa pangunguna ni DOTC Sec. Arthur Tugade kung saan under ang LTFRB.