chan nagka-bulalo sa paa

Parang sugatang sundalo si Jeff Chan nang dumating sa Smart Araneta Coliseum Linggo ng gabi.

Iika-ika, halos ‘di makalakad. Makapal ang balot na tape sa kanang paa.
Pero dumating si Chan para suportahan ang teammates, at kumalas ang Ginebra sa third quarter para itumba ang Meralco 110-95 para iangat sa 1-1 ang record sa ipinagtatanggol na PBA Commissioner’s Cup.

Kulang 9 minutes pa sa unang salang ng defending­ champions sa midseason conference, bumitaw ng 3 sa sulok si Chan pero natapakan ang paa ni James Sena ng Blackwater. ‘Di agad nakatayo ang 36-anyos na shooter, inalalayan paupo sa bench bago naka-wheelchair na inilabas ng court.

‘Di na nakabalik ang wingman sa 108-107 overtime loss ng Gins sa Elite.
“Parang bulalo,” ang deskripsiyon ni Chan sa kanyang right ankle, namamaga.
Kagandahan, wala raw bali. Sprain lang ang unang diagnosis.

Bukas, kapag humupa ang maga ay eeksaminin ulit ang paa.

“Buti walang crack,” anang kaliweteng 6-foot-2 guard mula FEU.

Ang downside ay ilang linggo ring magpapagaling si Chan, mulang tatlong linggo hanggang isang buwan.

“Baka matagalan,” dagdag niya. “Masama kasi ‘yung bagsak ng paa.”
(Vladi Eduarte)