Kumpiyansa ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na may matibay silang ebidensiya laban sa nakadetineng si former Senator Leila De Lima kaugnay sa pagkakasangkot niya sa iligal na droga sa New Bilibid Prisons (NBP).

Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, hepe ng legal panel ng VACC, nakipagsabuwatan ang Senadora kay Ronnie Dayan, kawani ng Department of Justice na nakatalaga bilang tsuper at bodyguard ni De Lima sa kalakalan ng iligal na droga sa NBP kung saan nakakolekta siya ng limang mil­yong pisong cash.

Batay sa isinampang kaso ng VACC, nagsabuwatan sina De Lima at Dayan sa pagpapahintulot ng kalakalan ng iligal na droga sa piitan kaya’t nakakolekta sila noong Nobyembre 24, 2012 ng limang milyong piso bilang kita sa iligal na droga.

Pinatunayan ito ni dating National Bureau of Investigation (NBI) agent Jovencio Ablen, Jr. na personal na nakakita nang dalhin ang bag na puno ng salapi sa bahay ni De Lima sa Parañaque City.

Nakasaad din sa information charge sheet ng VACC na kabilang si dating Bureau of Correction (BuCor) OIC Rafael Ragos sa kasa­buwat nina De Lima at Dayan, at dalawang ulit nagpadala ng salapi sa bahay ng senadora sa kanto ng Laguna Bay at Subic Bay Drive, South Bay Village sa Paranaque City noong Nobyembre 24 at Dis­yembre 15, 2012.

Batay sa charge sheet ng VACC, noon pang 1991 ay magka­kilala na sina Ablen at Ragos nang matalaga ang una bilang Intelligence agent ng NBI kaya’t siya ang isinasama ng opisyal sa pagdedeliver ng tinatawag ng “quota” o salapi para sa Senadora. (Mina Aquino)