Matigas na paninindigan ang kailangan ng LTFRB

Umaalma ang mga ope­rators at drivers ng UV Express sa ipinalabas na kautusan ng Land Transportation Franchi­sing­ and Regulatory Board (LTFRB) na pagbabawal sa mga ito na dumaan sa EDSA.

Himutok ng mga tinamaang operators at drivers ng UV Express wala umanong nangya­ring konsultasyon sa ura-uradang kautusang ipina­labas ng ahensya.

Hinahapan ni Lino Marable, pangulo ng Coa­lition of Operators and Drivers of UV Express ng kopya ng memorandum ng LTFRB.

Hindi lamang iyan dahil sinisita rin ng grupo ang LTFRB dahil ipinatupad ang kautusan gayong hindi pa ito nailalathala sa tatlong malalaking publication.

May punto nga naman ang samahan ng UV Express na maghimutok sa direktibang ito ng ­LTFRB.

Pero ang tanong namin sa umaangal na sektor, sakali bang ilathal­a sa tatlong malalaking ­pahayagan at bigyan kayo ng kopya ng memorandum ay mananahimik na kayo at susunod na sa kautusan ng ahensya?

Iyan lamang ang nais nating tanungin sa mga operators at drivers ng UV Express.

Dapat tanggapin ng transport group na ito na nakadagdag ang kanilang mga sasakyan kaya lalong sumisikip ang daloy ng trapiko bukod pa sa marami sa kanila ang walang pakundangan sa pag-o-­operate kahit walang prangkisa at ang matindi pa ay ginagawang terminal ang mga pangunahing kalsada na nakakapagpadagdag din sa masikip na daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Kaya sana ay maging­ matigas ang pamunuan ng LTFRB sa pagdidi­siplina sa mga pampublikong mga sasakyan.

Hindi natin sinasabing maging mahigpit pero dapat ay ang kapakanan pa rin ng lahat at hindi lamang ng iisang sektor ang pinakikinggan.

Bukod sa pagbabawal na bumiyahe sa kahabaan ng EDSA sa mga UV Express ay silipin din sana ng LTFRB ang presensiya rin ng mga pampasaherong bus na nasa labas ng EDSA dahil matinding perwisyo rin ang idinudulot nila sa kalsada.

Partikular na sa kaha­baan ng Quezon Avenue­ na dinagsa na rin ng mga pampasaherong bus bukod pa sa nagkalat na mga bumibiyaheng mga jeepneys, taxi, UV Express kaya sobrang sikip na ng daloy ng trapiko.

Ang lahat ng problemang ito ay kakaya­ning­ resolbahin ng ahensya ­kalakip ang mabigat na paninindigan.

Alam naming marami ang aalma sa inyong mas malulupit na mga desis­yon pero kung ang taumbayan naman ang giginhawa at ang buong bansa sa kabuuan ay dapat hindi na nagpapatumpik-tumpik pa sa pagdedesisyon.