Matigas sana ang Comelec

Mapupunta sa wala ang pinaghirapan ng mga mananalong kandidato sa 2019 midterm elections dahil hindi sila papayagan ng Commission on Elections (Comelec) na makaupo at muling kumandidato kahit kailan sa anumang posisyon sa gobyerno kapag nabigo silang makapagsumite ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).

Sa ilalim ng Come­lec Resolution 10505 ay wala ng pag-asang muling makatakbo sa anumang puwesto sa pamahalaan ang isang kandidato kapag nabigo itong makapagsumite ng kanyang nagastos sa kabuuan ng panahon ng eleksyon sa loob ng anim na buwan kahit nanalo pa ito sa nilahukang halalan.

Ang Comelec ay magtatalaga ng maninilbihan sa posisyon sakaling hindi ito nasunod ng nanalong kandidato.

Sa ilalim ng Section 11 ng OEC, idedeklara ring bakante ang isang posisyon sakaling tumanggi ang nanalong kandidato na manumpa sa kanyang tungkulin sa loob ng anim na buwan matapos ang proklamasyon.

Binigyan ng Comelec ng hanggang Hunyo 12 ang mga kandidato bilang deadline sa pagsusumite ng SOCE.

Papatawan naman ng multa depende sa kanilang posisyon ang mga nanalong kandidato na mahuhuli sa itinakdang deadline.

Pagmumultahin ng P10,000 mula sa da­ting P30,000 ang mga national political party, party-list organization at mga senador na hindi agad makatutugon sa deadline.

Kailangan namang magmulta ng P8,500 mula sa dating P22,500 ang mga nasa provincial political party samantalang P8,000 mula sa dating P25,000 ang ipapataw na multa sa mga provincial governor at vice governor.

May kabuuan namang P7,000 mula sa dating P20,000 ang multa ng mga provincial board member, mga kongresista, local political party, mayor, at vice mayor habang P6,000 mula sa dating P15,000 ang multa para sa mga konsehal.

Samantala, magiging pinal at wala ng extension ang deadline na itinakda para sa mga matatalong kandidato. Ang mga SOCE na isusumite pagkatapos ng deadline ay hindi na tatanggapin.

Sa ilalim ng batas, ang lahat ng kandidato at partido ay kaila­ngang makapagsumite ng kanilang SOCE 30 araw pagkatapos ng eleksyon.

Andaming kautusan, ang tanong maipatupad naman kaya ito ng Comelec?

Ang hirap kasi sa kasalukuyang sistema ng Comelec tapos na halos ang termino ng isang kandidato bago desisyunan ng Comelec ang kinakaharap nitong kaso.