Sa lumabas na survey ng SWS, naniniwala ang nakararaming Pinoy na ang mga pulis ay sangkot sa mga sindikato sa droga.
Kahit naman hindi nagkaroon ng ganitong survey matagal nang alam ng lahat na maraming pulis ang involved sa droga. Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi na bukod sa ilang gobernador, mayor at mga lokal na opisyales ay marami ring pulis na sangkot sa droga. Kaya nga pagkaupo mismo ni Duterte ay inuna niyang banggain ang limang tinaguriang narco generals.
At dahil malalaking tao ang involved sa mga sindikato ng droga, isa itong napakalubhang sakit ng lipunan.
Ayon mismo kay dating PNP Director General Bato dela Rosa, karamihan sa mga common crime ay gawa ng mga adik kaya importanteng masupil ang paglaganap nito sa bansa. Aniya, unang nasisira ng droga ang pinakapundasyon nating lahat—ang pamilya. “Nagkakasira-sira ang buhay ng mga pamilya oras mapasukan ng droga ang mga anak sa pamilya. Lalo pag naging adik na.”
Bilang dating pulis, alam ni Bato ang kalakaran sa droga at kung sino-sino ang mga protector nito na dapat matanggalan ng maskara mula sa pamahalaang lokal at maging sa kapulisan. Eksperto na si Bato pagdating sa problemang ito kaya naman kailangan natin ang tulad niya sa Senado.
***
Hindi natinag si dating Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa pahayag ng partidong PDP-Laban na posibleng isabak nila sa pagka-Speaker ng House of Representatives si dating House Speaker at Davao del Norte Congressman Pantaleon Alvarez.
Ang PDP-Laban ang partido ni Pangulong Duterte pero bago pa uminit ang isyung magbabalik-Kongreso si Alvarez at muling susungkitin ang House Speakership, si Cayetano ang sinasabing isa sa napipisil ng Pangulo para maging House Speaker.
Matagal ding nakatulong ng Pangulo si Cayetano kung saan isa sa mga magagandang nagawa nito ang pag-aayos ng malalang problema sa passport appointments at magaling na pagtatanggol sa mga OFW.
Nagkaroon na nang masinsinang pag-uusap sina Duterte at Cayetano kung saan ibinigay ng Pangulo ang kanyang buong suporta sa pagbabalik ni Cayetano sa Kongreso. Kaya kahit umiinit ang pagbabalik ni Alvarez bilang House Speaker, hindi nagpapatinag si Cayetano.
Nagsalita na rin ang anak ng Pangulo na si Mayor Sara at sinabing kailangang pumili ng “best of the best” para sa House Speaker. Si Mayor Sara ang itinuturing naging ugat kaya natanggal si Alvarez bilang House Speaker.
Ayon sa anak ng Pangulo, hindi na dapat suportahan ang isang naging Speaker na pero hindi naman naging matagumpay sa tungkulin. Naniniwala rin si Mayor Sara na isa sa mga malalakas na contenders sa Speaker si Cayetano.
Matinding laban ang magaganap sa Speakership pero kilala naman natin si Cayetano at alam ng lahat na hindi ito umuurong sa anumang laban.