Naging exciting at maraming sorpresang inihatid ng katatapos lamang na midterm elections na hindi inasahan ng maraming Pilipino.
Bagama’t hindi maiwasan ang konting sablay sa proseso ng halalan, hindi naman ito naging balakid para maapektuhan ang pagdaraos ng maayos, mapayapa at tahimik na eleksiyon noong Lunes.
Nakasanayan na ng mga botante ang kalituhan sa paghahanap ng kanilang mga pangalan sa mga polling precinct na kalaunan ay nakikita naman, pati na ang last minute vote buying at kung anu-ano pang gimik ng mga politiko.
Pero ang nakakagulat ay ang resulta ng eleksiyon lalo na sa local level na madaling natapos at nalaman kaagad ang mga nanalo.
Naging usap-usapan ang dalawang political clan sa Metro Manila na mistulang nakaranas ng bagyo at malaking dagok dahil pagkatapos ng bilangan ay bigong makabalik sa puwesto.
Lahat ng mga kamag-anak na ka-apelyido at kapamilya ng Estrada/Ejercito at Eusebio ay hindi pinalad na manalo sa mga tinakbuhang puwesto sa local level habang nakabitin pa kung makakapasok sa magic 12 ang magkapatid na Jinggoy Estrada at JV Ejercito.
Maliban pa ito sa iba pang political clan sa mga lalawigan na matagal ring namayagpag at nagpapalit-palit lang ng puwesto ng kanilang miyembro ng pamilya.
Ito na ba ang hudyat na nagising na ang taumbayan sa matagal na pagkakahimbing at hindi na nagpadala sa matatamis na dila ng mga politikong nangangako ng magandang buhay para sa mga Pilipino?
Posible ring malaki ang impluwensiya ng social media kaya natalo ang mga ito matapos ang ilang panahong pamamayagpag at pagsolo sa kapangyarihan.
Pero sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na matatalino ang mga botante at alam ng mga ito kung alin ang nagsasabi ng totoo at nagsisinungaling.
Sana lang magtuloy-tuloy na ang ganitong pagbabago para magkaroon naman ng pagkakataon ang iba pang nais maglingkod ng tapat at magsulong ng reporma para sa ikabubuti ng sambayanan.