“Abot ko kayo.”
Ito ang mga katagang binitiwan ni PNP Region 4A director Guillermo Lorenzo Eleazar nang tanggapin niya ang pamunuan ng rehiyon noong Abril 19, 2018.
Simple lang po at napakadaling intindihin ng mga pulis na nasa ilalim ng kanyang liderato.
Gumawa kayo ng mabuti at malalaman niya. ‘Pag malasado at sablay, lalong hindi ito maililihim sa ating magiting na heneral.
Ang sabi nga ni Gen. Eleazar sa mga pulis sa buong rehiyon, “Our policy is simple. We will reward the good and we will punish the bad.”
At tulad ng nais niyang mangyari na pulos matitinong pulis lang ang dapat na manatili sa kanilang hanay, may warning si General Eleazar sa mga anay at pasaway na pulis.
“Kayong mga kriminal, masasamang loob, mga pusher at tiwaling pulis, umalis na kayo dito o itigil niyo na ang mga masamang balak niyo, dahil abot ko kayo. Ngunit kayo namang mabubuti at magagaling na pulis sa hanay natin, ipagpatuloy niyo lang ang magandang trabaho niyo, at ‘wag mag-alala, abot ko rin kayo,” ang sabi pa ng ating masipag na heneral.
At kapag nga naman magaling ang isang leader, asahan lang na magiging maganda siyang ehemplo ng kanyang mga tauhan. Ika nga, follow the leader lang ‘yan.
Isang buwan matapos niyang bitawan ang mga salitang ‘yun, bumaba na agad ang insidente ng crime against persons sa rehiyon ng 10%. ‘Yung dati kasing 425 na kaso noong Abril eh bumaba na lang ng 382 ngayong buwan.
Mula naman sa 418 insidente ng crime against property sa pareho pa ring panahon, bumagsak ito sa 374 na kaso. Patunay lang ito na abot talaga ni Gen. Eleazar ang galaw ng mga kriminal sa rehiyon.
Para-paraan lang nga naman para maisakatuparan ito. Ang susi? Simple lang naman daw sabi ni Gen. Eleazar. Ang una raw niyang marching order sa mga provincial director ay ang paigtingin ang police visibility sa kanilang mga teritoryo.
Malaking deterent nga naman sa krimen ito.
Bukod dito, hindi nagpapalaki ng tiyan sa kanyang opisina si General. Umiikot pala ang Mamang Pulis kahit gabi na para makita niya kung aling mga lalawigan ang mga may nagpapatrolyang pulis sa lansangan at alin ang mga wala.
Sabi ni Gen. Eleazar, “‘Pag wala akong nakitang nagpapatrolyang pulis sa mga kalye, mamalasin kayo.”
Isang prayoridad pa rin ni Gen. Eleazar ang anti-illegal drug war kaya hindi dapat mawala ang focus nila sa giyera laban sa iligal na droga bilang pagsunod sa kampanya ni Pangulong Duterte.
At dahil naka-focus din si Chief PNP, Director General Oscar Albayalde sa mga tiwaling pulis, inilunsad ni Eleazar ang isang hotline program kung saan ay maaaring mag-text at magsumbong sa kanya ang mamamayan laban sa mga abusadong pulis, pati na rin sa mga kilala nilang mga pusher.
At totoo sa kanyang salita, isang buwan pa lang si Gen. Eleazar sa PNP Region 4A, nakita na ang magagandang trabaho ng mga kapulisan sa ilalim niya at hindi niya ito binalewala.
Noong Mayo 17, 2018, nagbigay ng awards si Gen. Eleazar sa ilang opisyal at mga pulis sa probinsiya ng Quezon bilang pagkilala sa kanilang mga achievement.
Mga Medalya Ng Kagalingan at Medalya Ng Papuri ang ikinabit ni Gen. Eleazar sa mga dibdib nina Superintendent Romulo Albacen, Lucena City Chief of Police; Vicente Cabatingan, dating Lucena City chief; Eduardo Mallo,
Candelaria Police Chief; at Rafael Torres, Sariaya Police Chief; P/S Insp. Ferdinand Bondad, Perez chief; at P/S Insp/ Milo Tabernilla, hepe ng Unisan.
Sa susunod na mga linggo, kikilalanin din ni Gen. Eleazar ang mga pulis na nagpakita ng kagalingan sa kanilang serbisyo sa kani-kanilang mga probinsiya.