Hindi pa rin makakapuntos sa kredibilidad ni Edgar Matobato, self-confessed member ng Davao Death Squad (DDS) kahit na makilala at maituro pa nito ang mga pulis na sinasabi niyang miyembro ng DDS na kasama niyang pumapatay sa Davao City alinsunod na rin umano sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na noon ay ­alkalde ng lungsod.

Ayon ito kay Senador Panfilo Lacson,  dahil na rin sa planong police line-up na isasagawa ng House Committee on Justice and Human Rights sa susunod nitong pagdinig sa Set­yembre 28 kaugnay sa sinasabing extrajudicial killing (EJK), kung saan ay ipapaturo kay Matobato ang mga binanggit nitong pulis na umano’y miyembro ng DDS.

Sa mga sablay na testimonya umano ni Matobato ay hindi pa rin ito agad bibigyan ng saysay at bigat kahit kapag may makilala at maituro itong mga pulis na sinasabi niyang miyembro ng DDS.

Paliwanag ni Lacson, hindi naman umano na­ngangahulugan na kapag itinuro na ni Matobato ang isang pulis ay husgahan na ring totoong mi­yembro ito ng DDS.

“Maski naman makilala niya (Matobato) ang pulis, ano ang gagawin sa mga pulis na makilala niya? Anong kasalan ng mga pulis? Anong implication kung ituro ang isang police?  May kasalanan na agad itong police? Hindi naman pwedeng mag-conclude agad kasi nga ang testigo mahirap paniwalaan,” ayon pa kay Lacson.

Dahil dito, pag-uusapan pa ng komite kung itutuloy ang planong police line-up.