Magagamit umano ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang pagiging fashionista nito sa kanyang bagong trabaho.
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa lahat ng miyembro ng gabinete ay si Panelo lamang ang may kakaibang estilo ng pananamit kaya’t maipapakita na niya ito sa kanyang mga press briefing.
Tinukoy dito ng Presidente ang pagsusuot ng boots ni Panelo gayundin ang tattered jeans nito at ang matulis na sapatos.
“He’s all good for sartorial elegance. Mga boots na mataas, mga pantalon na in tatters. Tapos – ‘saan mo binili ‘yan, sa Quiapo? sa Divisoria?’ Sabi niya, ‘ano ito Versace ito’. Pare-pareho kami pero iba ‘yang mga kanya. Pointed na, tumabi ka ‘pag natamaan ka maputol ‘yang paa mo,” anang Pangulo.
Ikinuwento rin ni Pangulong Duterte na sa gala dinner ng isang dinaluhang international conference ay dumating aniya si Panelo na naka-barong pero walang panloob na kamison kaya naaaninag aniya ang utong nito.
“Minsan in one of gala dinner dumating si Panelo. Lahat naka-barong but to our horror, we discovered, iyong ano mo… iyong brras lumalabas, ano ba ‘yan, walang ano, walang t-shirt basta diretso barong. Tinginan kami lahat. Ang ginaw-ginaw pa,” dagdag na kuwento ng Pangulo.