Matumal ang raket:Female personality nagbebenta ng gamit

TOTOONG nagbebenta na ngayon ng kanyang mga branded na kagamitan ang isang female personality. Sangkatutak ang naipundar niyang mamahaling bags at sapatos, pati ang mamahaling relo.

Matumal na kasi ang kanyang raket, paminsan-minsan na lang siyang napapanood ngayon sa TV, lalo na sa pelikula. Hindi na rin siya gaanong kinukuha sa mga shows sa ibang bansa.

Nakakatawang komento ng isang source, “Paano naman siyang kukunin pa sa mga shows abroad, e, wala namang bago sa mga ipinakikita niya sa stage!

Nangitlog na siya sa luma niyang style, hindi na siya nag-level-up!

“Tama bang ‘yung mga pagko-comedy niya pa nu’ng araw ang ginagawa pa rin niya hanggang ngayon? Ang mga kanta niya, tatatlong piraso, hindi man lang siya nag-aral ng iba!” madiing sabi ng tawa nang tawang impormante.

Hindi masyadong mabenta ang mga produkto ng female personality, hindi niya kasi naalagaan ang kanyang mga branded stuff, maraming reklamo ang mga inaalok niya.

Sabi uli ng aming source, “Hindi niya nilagyan ng palaman ang mga bags, basta itinambak lang niya sa taguan, kaya hindi na maganda ang shape.

Sayang, milyon pa naman ang halaga ng mga ‘yun!

“Sana, bago niya itinago, e, meron siyang inilagay na parang balloon para hindi nasira ang shape, sayang talaga!” sabi nito.

Ang dating sikat na female personality na ito ang isang buhay na patunay na ang ganda ay kumukupas at ang kaseksihan ay hindi forever. At hindi makaliligtas ang sinuman sa pagkakaedad.

Morissette minanduhan na ipahiya ang show producer?

KAILANGANG tutukan ni Morissette Amon ang pinakahuling kahihiyang kinapalooban niya. Kung kailangan niya pa uling iuntog ang kanyang ulo sa dingding para magising siya sa katotohanan na hindi tama ang ginawa niyang pagwo-walkout sa concert ay gawin niya na.

Negang-nega siya ngayon, hindi nga naman kasi katanggap-tanggap ang kanyang dahilan na nasaktan siya sa interview na maayos namang dumaloy para basta na lang niya tuwaran nang walang pasintabi ang ipinrodyus na concert ni kasamang Jobert Sucaldito para kay Kiel Alo.

Walang makauunawa sa ginawa niyang pagwo-walkout dahil propesyonalismo ang nakapaloob sa mali niyang pagpapakita ng ugali. Lumalaki na nga ba ang ulo ni Morissette Amon?

Pinaniniwalaan na ba niya at hindi basta pinakikinggan lang ang mga papuri sa husay niyang kumanta? Hindi nga ba magandang impluwensiya sa kanya si Dave Lamar, ang tinututulan niyang karelasyon ng mismong ama niya, kaya siya nagkakaganyan?

Sino ba ang mahiwagag puwersa sa kanyang likuran para ipahiya niya ang producer ng show? Kanino ba nanggaling ang pagmamando na huwag na siyang umakyat sa entablado dahil “devastated” daw siya?

Problemado raw si Morissette? Sino ba ang walang bitbit na problema sa mundong ito? Si Rannie Raymundo ng The OPM Hitmen, namatay ang kanyang ama isang araw bago ang kanilang concert, pero hindi pinabayaan ng magaling na singer na sina Renz Verano, Chad Borja at Richard Reynoso lang ang magtanghal sa Music Museum.

Nagluluksa ang kanilang pamilya pero kumanta pa rin si Rannie Raymundo, pagkantang bigay na bigay, tinapos nito ang concert na parang hindi nakaburol ang kanyang ama.

Bakit sobra ang paghanga natin kay Dulce? Nu’ng mga panahong magulo ang takbo ng kanyang personal na buhay, nu’ng gabing nakatikim ito ng pananakit sa dati nitong karelasyon, pumagitna pa rin si Dulce sa entablado at kinanta ang kanyang sikat na piyesang Ako Ang Nagwagi kahit pa nananakit ang buo nitong katawan?

Tapos ngayon ay malalaman natin na kaya lang nag-walkout ang isang Morissette Amon ay dahil nasaktan siya sa maayos namang interview ni Mario Dumaual?

Nakapatong ngayon sa sangkalan ng kahihiyan ang ulo ng kanyang prodyuser, sinira niya ang masayang gabi sana ng kaarawan ni Kiel Alo, binigo niya ang mga bumili ng tickets para mapanood siya.

Morissette Amon, matagal nang bulok ang tindang saging ni Aling Pacing!