Sumingasing si Kalei Mau sa duluhan, nagdeliber ng mga krusyal na birada na nagpabalikwas pa sa United Volleyball Club mula sa dalawang set na pagkabaon tungo sa ‘di sukat akalain pang pag-alpas kontra Sta. Lucia, 12-25, 15-25, 25-17, 25-22, 15-9, Martes ng gabi sa 7th PSL 2019 Grand Prix elims game sa The Arena-San Juan.
Ungos lang ng 9-8 sa fifth set, kinarga ni Mau ang United VC nang iskorin ang pito sa huling walong puntos ng kanyang kampo para sa buwena-manong panalo makaraan ang four-set loss sa Foton noong Peb. 16.
Tinapos ng Filipino-American outside spiker ang makinang niyang gabi sa 22 points sa likod ng 19 spikes, two blocks at ace, kabilang ang 15 digs at eight excellent receptions, habang naka-22 pts din si import Yaasmeen Bedart-Ghani para sa UVC na pinantayan ang biktima sa barahang 1-1.