Maute fighters takot sumuko

Sa kabila ng mga tinatanggap na surrender feelers, inihayag ng militar na wala pa ring sumusukong mga kasapi ng teroristang grupong Maute dahil sa takot sa mga tumatayong lider ng grupo.

Ayon kay Col. Romeo Brawner, deputy commander ng Joint Task Force Ranao, hindi matuluy-tuloy ang pagbabalik loob ng ilang mga Maute fighters dahil sa tuwing magpapakita ang mga ito ng kahandaang pagsuko ay hindi inaalis sa kanila ang mahigpit na pagbabantay.

Sinasabing takot ang ilang Maute fighters sa gagawing pagsuko dahil sakaling mabigo sila at mabisto ang kanilang gagawing pagbabalik-loob ay posibleng patayin na rin sila.

“Nauunahan sila ng takot, dahil sa oras na malaman ng mga lider ng Maute group o mga kasamahang terorista ang plano nilang pagsuko, tiyak na papatayin sila ng mga kasamahan,” pahayag ni Brawner.

Sa pinakahuling report, sa ika-123 araw, tinatayang nasa 50 miyembro pa ng Maute fighters ang nasa loob ng battle area sa Marawi City saan malakas pa rin ang resistance o paglaban ng kanilang puwersa sa tropa ng pamahalaan.

Inamin ni Brawner na hirap pa rin ang militar sa paglaban dahil kalat sa mga maliliit na gusali ang mga terorista.

Batay sa tala ng militar, nasa 151 na ang bilang ng mga sundalong nasawi habang 689 na terorista ang napapatay.

Kahapon, bandang alas-12:00 ng tanghali nang mabawi na rin ng militar ang Raja Sabaya Bridge na isa sa naging strongholds ng Maute kung saan isang bangkay ang natagpuan sa tulay.

Sa ngayon ay isinailalim na sa DNA test ang bangkay upang matukoy kung ito ay ang nawawalang si Polo Tamano na kilala ang angkan sa Marawi City at kasapi pa ng Khalifah Islamiyah sa Mindanao.