Maute nganga na sa pagkain, kalansay nagkalat sa battle zone

Inihayag kahapon ng Joint Task Force Ranao na nauubusan na ng supply ng pagkain, gamot, tubig at mga bala ang mga tero­ristang Maute Group na nakikipagbakbakan pa sa tropa ng pamahalaan sa Battle area sa Marawi City.

Ayon kay Joint Task Force Deputy Conmander Col. Romeo Brawner, ubos na ang supply ng pagkain at mga armas at bala ng Maute lalo na’t umabot na sa 129 araw ang giyera sa lungsod.

“May mga info po kami na kinakapos na sila (Maute) ng pagkain, at gamot dahil nabawi na ng militar ang mga klinika at pagamutan na dating ginawang command and control area ng Maute,” ayon kay Brawner.

Idinagdag pa ni Braw­ner na dahil dito, lalong desperado ang mga Maute na makalabas ng main battle area dahil sa patuloy na airstrike at ground assault ng mga sundalo.

Samantala, nadaragdagan pa ang mga natatagpuan ng militar na mga labi at buto ng tao sa loob ng main battle area sa Marawi.

Ayon kay Brawner, bukod sa mga improvise explosive device na nakuha mula sa mga pinagkutaan­ ng mga terorista, may mga nakita ring bangkay at buto ng tao sa patuloy na clearing operations ng militar.