Mauubos talaga kayo

Nakakakilabot ang isang insidente ng pagpatay sa isang opisyal ng District Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (DAID-SOTG) ng Quezon City Police District (QCPD).

Napatay sa isang buy-bust operation ng QCPD-DAID-SOTG si Senior Ins­pector Ramon Castillo na sinasabing sangkot sa pagre-recycle ng iligal na droga.

Tumimbuwang ang opisyal sa isinagawang buy-bust operation na inilatag sa Barangay Greate­r Fairview, Quezon City kamakalawa ng madaling-araw at tinatayang nagkakahalaga ng isang milyong piso ng droga ang nakum­piska sa opisyal ng pulisya na lulan sa kanyang sasakyan.

Maliban kay Castillo na sangkot sa operasyon ng iligal na droga ay kinumpirma ni QCPD Director Guillermo Eleazar na mayroon pang 50 pang pulis na nakatalaga sa DAID ang mino-monitor na umano’y sangkot din sa pag-recycle ng droga o hindi kaya nagbibigay proteksyon sa mga drug lord.

Aminado rin ang hepe ng kapulisan ng QCPD na matagal nang mino-monitor ng PNP si Castillo dahil kilala ito sa pag-recycle ng iligal na droga mula sa kanilang mga nahuhuli.

Alam nating police matter na ang lahat ng usapin sa kinasapitan ni Castillo pero ang sa amin ay magsilbi naman sanang panggising na ang pangyayari sa iba pang miyembro ng ating kapulisan na tumalikod at sumuko na dahil hindi talaga kayo makakalibre sa mga iregularidad na inyong ginagawa lalo na’t may kinalaman ito sa iligal na droga dahil ito ang hate na hate ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Mahaba-habang panahon na rin naman yata kayo namayagpag sa paggawa ng kalokohang ito pero sa tingin ko ay kailangan ninyo nang hintuan kagaya nga ng paulit-ulit na paalala ni Pa­ngulong Duterte dahil tala­gang aa­latin kayo.

Hindi lamang sa QCPD ganito ang kalakaran kundi sa marami pang istasyon at distrito ng ating kapulisan sa buong bansa kaya sana ay mahimasmasan na kayo dahil talagang patungo ang gobyernong ito sa inaasam na pagbabago at ang pa­ngunahing misyon ay pagwalis sa iligal na droga at pagsugpo sa kriminalidad.