PAK GANERN ang hubog ng katawan ni Max Collins sa suot niyang red mermaid gown sa presscon ng bagong GMA drama na Someone to Watch Over Me.

Ang pagpapapayat ang isa sa preparasyon ng tisay na Kapuso actress para sa bago niyang show na sila nina Tom Rodriguez at Lovi Poe ang mga bida.

Sabi ni Max, ang ga­galing umarte ng dalawa at grabe ang mga ito magbigay pagdating sa eksena. Lahat ay totoo ang emosyon na nilalabas lalo na si Tom.

May isang love scene na silang nakunan ni Tom at ang kuwento ni Max ay sobrang bait ni Tom, very professional, tinutulu­ngan ang co-actors nito at hindi ito selfish.

Very giving, very honest umarte at great actor ang description ni Max kay Tom.

At dahil may intimate scenes sila rito ni Tom bilang ex-girlfriend siya nito, malamang na hindi manood ng STWOM ang nobyo ni Max na si Pancho Magno.

Pancho Magno
Pancho Magno

In fairness ay open na si Max na pag-usapan ang tungkol sa relasyon nila ni Pancho, na nasa Encantadia bilang si Hitano.

Medyo matagal din nila itong itinago at a­yaw pag-usapan.

Ang rason ni Max, magpu-4 years na kasi sila sa October at saka mahirap magsinungaling.
Gusto namin ‘yung dagdag niyang sagot na, “Kasi, importante siya (Pancho) sa akin. A­yokong mawala siya sa akin.”

Wala pa sa isip nila ang kasal, pero sana raw ay forever na ito, sabi ng Fil-Am na Kapuso actress.

Eh paano ‘pag niyaya siya bigla ni Pancho na magpakasal?

“I will say yes… sa tamang panahon!

“Hindi pa puwede dahil kailangan pang magtrabaho. Gusto kong may ma-achieve muna sa buhay ko bago mag-settle down, bago ako magkaroon ng family.”

Wish ni Max na before 30 siya mag-settle down.

Magtu-24 siya habang si Pancho ay magti-30 na.

Nakangiting hirit ni Max, kung gusto talaga siya ni Pancho ay hihintayin siya nito.