Maximum tolerance ang ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng banta ng ilang grupo na ­sasabayan nila ng kilos-protesta ang isinasagawang ASEAN Summit.

Kahapon ay maagang ipinakalat sa mga piling lugar ang mga miyembro ng civil disturbance management unit ng PNP na aabot sa 5,000 na mula pa sa iba’t ibang distrito sa Metro Manila at karatig lalawigan.

Ayon kay NCRPO chief Director Oscar Albayalde, mahigpit ang kanyang direktiba sa kanilang mga tauhan na tiyakin na hindi magmumula sa hanay ng mga pulis ang anumang kaguluhan o tensyon sakaling makaharap ang mga raliyista.

Inihayag naman ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa na malayang makapagsasa­gawa ng rally ang ilang magsasagawa ng kilos protesta sa mga piling lugar kahit na may permit o wala.

Una nang nagpahayag ang ilang militanteng grupo na maglulunsad sila ng kilos protesta.