Mga laro ngayon (PhilSports Arena)
10:00 a.m. – UST vs. NU (STurf semis)
12:00 noon – La Salle vs. Ateneo (STurf semis)
6:00 p.m. – San Sebastian College vs Ateneo

Magtatagisan ng galing ang Ateneo at San Sebastian College para pag-agawan ang huling semis spot ng Shakey’s V-League Season 13 Collegiate Conference sa PhilSports Arena mamaya.

Kapwa may tangan na 2-3 carryover win-loss record ang Lady Eagles at Lady Stags, ang mangingibabaw sa sagupaan ay aangat sa best-of-three semis para harapin ang top-seed Far Eastern University. Ang matatalo mamamaalam na sa kumpetisyon.

Nagpakitang gilas ang SSC sa elimination round matapos burahin ang 13-point deficit sa third set kontra Ateneo para umarangkada sa 25-23, 25-22, 25-23 panalo.

Pero inamin ni SSC coach Clint Malazo na wala nang silbi ang panalong iyon sa muli nilang pagtatapat ng Ateneo sa knockout match.

Dagdag pa ni Malazo na kailangan ng ibang bata niya na mag-step up para sa team at tulungan si Grethcel Soltones.

“But we can’t rely on Grethcel too much, otherwise we will be predictable. Everyone must step up,” saad ni SSC coach Clint Malazo.

Aasa ang SSC kina Denice Lim, Katherine Villegas, Joyce Sta. Rita, libero Alyssa Eroa at setter Vira Guillema kontra sa pinagsamang opensa nina Lady Eagles kina Michelle Morente, Ana Gopico at Kim Gequillana.

Suntok sa buwan para sa Ateneo na muling makabalik sa Finals matapos nitong matalo sa National University noong nakaraang taon.

Nang matapos ang tour of duty nina Alyssa Valdez at Amy Ahomiro, binalikat na ni Michelle Morente ang Lady Eagles at hahanap ng suporta kina Kim Gequillana, Ana Gopico, Pauline Gaston, Bea de Leon, Jessica Tan, Julianne Samonte at playmaker Julia Morado.