May-ari ng van sa Pasay kidnapping lumutang

Lumutang na kahapon sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasay City Police ang isa sa may-ari ng sasakyan na sinasabing ginamit umano sa pagdukot sa mga nawawalang kabataan sa lungsod.

Alas-11:00 ng umaga nang magtungo sa tanggapan ng SIDMB ang may-ari ng Toyota Vios ng may plakang AEA 1051 na si Michael Mejia, 37, negosyante at taga-Mount Fair Weather St., Filinvest 1, Batasan, QC.

Sa salaysay ni Mejia kay Police Lt. Allan Valdez, hepe ng SIDMB, Abril 25, 2015, habang nakaparada ang kanyang kotse malapit sa Heart Center Hospital ay nawala at ninakaw ang plaka ng kanyang kotse ng hindi kilalang mga suspek. Kasabay din nito ang pagkawala din ng plaka ng kaibigang si Rizaki Taopo sa kanyang Mitsubishi Mirage G4 (ADA 6460).

Agad nilang ini-report sa Kamuning Police Station 10, Quezon City Police ang nasabing insidente.

Nitong nakalipas na linggo, pitong kabataan ang dinukot sa Pasay na isinakay sa isang gray van gamit ang plakang ninakaw sa kotse ni Mejia.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang follow-up investigation ng Pasay Police. (Armida Rico)