Dear Atty. Claire,
Kasal po ako sa babaeng hindi ko alam na may-asawa na pala bago pa naging kami.
Nagkakilala kami noong 2000 at nagkaroon na relasyon hanggang sa mabuntis ko siya. Bilang isang lalaki ay may pananagutan ako sa aming magiging anak kaya pinakasalan ko siya.
Nagtapat siya noong malapit na kaming ikasal, pero itinuloy na rin namin ang pagpapakasal para mabigyan ng pangalan ang aming anak.
Ngunit hindi rin kami magkasundo dahil sa panlalalaki niya. Marahil ay iyon ang dahilan kung bakit sila nagkahiwalay ng asawa niya.
Ang tanong ko po ay ligal po ba ang aming pagpapakasal at puwede bang ma-annul ang kasal namin?
Lubos na gumagalang,
Enrico
Dear Enrico,
Ang pagpapakasal muli kahit na may isa pang existing na kasal ay ang tinatawag nating bigamous marriage. Ang bigamous marriage ay ang pangalawang kasal na maituturing na ligal o valid sana kung walang naunang kasal.
Ayon sa ating Family Code na isa sa mga maitutuing na marraige void ad initio o walang bisa sa simula ay ang bigamous marriage. At dahil sa nagpakasal kayo nang hindi napapawalang-bisa ang una niyang kasal ay hindi valid ang inyong kasal at maaari mo itong ipawalang-bisa.
Sa kuwento mo ay may magiging dalawang dahilan ka upang ipawalang-bisa ang kasal mo. Una ay ang pagiging bigamous marriage niya at ang pangalawa ay ang pagiging psychologically incapacitated niya na sakop ng Article 36 ng Family Code. Ang pakikiapid niya sa ibang lalaki na lumalabas na paulit-ulit ay masasabing isang psychological disorder. Maaaring kumusulta sa isang psychologist upang mabatid ang disorder na ito.
Gayun pa ma’y ang pagiging bigamous marriage ang inyong kasal ay sapat na upang mapawalang-bisa ito.
***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa (02) 410-7624 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.