Isang low pressure area (LPA) ang namataan ng Philippine Atmospheric Geophysical, and Astronomical Services Administration (Pagasa) sa hilagang kanluran ng Laoag City sa Ilocos Norte.
“The LPA was estimated based on all available data at 95 km North northwest of Laoag City, Ilocos Norte,” ayon sa Pagasa.
Bukod sa bagong sama ng panahon ay mino-monitor din ng Pagasa ang severe tropical storm “Sanvu” na nasa dulong hilagang bahagi ng Luzon na hindi pa sakop sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Kaugnay nito, makakaranas ng abnormalidad na panahon gaya ng may paminsang maulap na kalangitan ang Ilocos Region, lalawigan ng Batanes at ang Babuyan group of island na may kasamang katamtaman hanggang sa malakas na pagbuhos ng ulan, pagkulog at pagkidlat.
Habang ang Metro Manila at ang ilang rehiyon ng Cordillera, Central Luzon, Cagayan Valley at probinsya ng Mindoro, Cavite at Batangas ay uulanin din sa susunod na mga araw na may kasamang pagkulog at pagkidlat bunsod ng thunderstorms.