May bahid-pulitika nga ba ang pagkakakulong ni GMA?

Pinalalabas ng mga kritiko ng nagdaang administrasyong Aquino, ilang eksperto sa batas at ilang political analyst na may bahid-pulitika ang pagkakakulong ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo kasunod ng deklarasyon ng Korte Suprema na walang matibay na ebidensya na nagsasabing guilty ang dating Pangulo sa kasong plunder.

Dahil sa nasabing desisyon ng Kataas-Taasang Hukuman ay tuluyan nang ibinasura ang kinakaharap nitong plunder na may kaugnayan sa diumano’y iregularidad sa paggastos sa P366 million intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Kaya agad na lumutang ang alegasyong pinulitika lamang ng nagdaang administrasyon si Arroyo para palabasing nagtagum­pay sa kampanya kontra katiwalian.

Isang sinasabing dahilan kaya sinisilip ang pamumulitika ng administrasyong Aquino sa pagpapakulong kay GMA ay ang hindi pagpapahintulot ditong maglagak ng piyansa gayong ang ilang kasamahan nito sa kaso ay pinahintulutan ng Sandiganbaya­n na makapaglagak ng kaukulang piyansa.

Pero ang tanong ng karamihan, pinulitika nga ba si GMA o may kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapawalang-sala kay Arroyo?

Sa ganang amin, anuman ang maging haka-haka o bulung-bulungan sa naging kahihinatnan ng kaso ni dating Pangulong Arroyo ang kailangan nating bigyang-pansin ay kung sino ang naglabas ng hatol.

Sa puntong ito ay ang Korte Suprema na pinakamataas na hukumang naghahatol sa ating lipunan ang naglabas ng kautusan kaya walang dahilan para pagdudahan ito.