May benepisyo pero may perwisyo rin

Jeany Lacorte

Epektibo bukas, Mayo 18 ay ipatutupad na ang Anti-Distracted Driving Law.

Ang Anti-Distracted Law ay patungkol sa pagbabawal sa paggamit ng gadgets habang nagmamaneho.

Saklaw din ng batas ang pagbabawal na ipuwesto ang anumang gadget katulad ng mobile phone sa windshield na direktang nagiging sagabal sa pagmamaneho ng isang tsuper.

Sa mga lalabag sa batas na ito, pagmumultahin ang mga lalabag ng hanggang P20,000 at pag-revoke sa lisensya ng mga tsuper.

Kahit hands-free devices na makakasagabal sa mata ng isang tsuper ay maikukunsidera na ring isang paglabag sa batas.

Ipinagbabawal din ng nasabing batas ang pagtawag o pagti-text gamit ang cell phone habang nagmamaneho kahit naka-red ang signal light.

Nakatoka sa panghuhuli sa mga lalabag sa nasabing batas ay ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Saklaw ng batas ang lahat ng public utility vehicles, pampribadong mga sasakyan, sasakyan ng gobyerno, bikes, motorsiklo, skateboards, kuliglig, habal-habal, motorized wheelchairs at maging mga kutsero na bumibiyahe sa Intramuros na may sakay na mga turista.

Exempted lamang ang are mga drivers na may emergency cases.

Kasunod ng implementasyon ng Anti-Distracted Law at ang pagpapatupad din ng Republic Act 10666 o Act providing for the Safety of Children Aboard Motorcycles na epektibo naman kinabukasan, Mayo 19.

Multang mula P3,000 hanggang P10,000, revocation ng lisensya at isang taong pagkakakulong ang kakaharapin ng mga lalabag sakaling humantong sa kamatayan, serious injuries o damage to property ang insidente.

Sa ilalim din ng nasabing batas ay hindi papahintulutan ang mga traffic enforcers na tumanggap ng bayad sa multa ng mga violators dahil sa Metrobank o Bayad Centers ang mga ito magbabayad.

Magkakaiba ang reaksyon ng publiko sa bagong batas na ito pero mas marami ang pabor dahil malaki ang maitutulong nito para maiwasan ang mga aksidente na kadalasang ang sanhi ay ang pasaway na driver na walang takot sa paggamit ng cell phone habang nagmamaneho.

Ang mga tutol naman sa batas na ito ay ang mga drivers katulad ng transportation network company (TNCs) gaya ng UBER at Grab na kadalasang nakabase sa mobile apps sa cellphone ang pag-pick-up ng kanilang mga pasahero.

Sabagay may kanya-kanya tayong paniniwala at pananaw sa batas na ito pero ang dapat manaig ay ang kapakanan ng taumbayan at hindi ang personal na interes.

Hangad nating makatulong ang batas na ito para mawala na ang mga malalagim na trahedya na nagreresulta ng kamatayan ng ilang inosenteng nating kababayan.