Mga ka-Misteryo may katanungan ba kayo kung pati ba mga nilalang sa kabilang dimensyon ay nagdiriwang ng Pasko o Christmas?
‘Yan ang ating paksa ngayon: ‘Basta may Misteryo, alamin ang totoo!’
Pasko na! Ang tanong, may Christmas ba sa kabilang dimensyon? Ang sagot ng #TeamMisteryo, depende ‘yan kung saang dimensyon ang tinutukoy at kung ano ang pananampalataya o relihiyon na sandigan ng mga nilalang. Meron ba silang relihiyon? Naniniwala ba sila sa kapanganakan ng manunubos — si Hesukristo?
Batay sa ating pananaliksik sa nakalipas na higit 20 taon sa larangan ng metapisikal o paranormal, walang relihiyon sa kabilang dimensyon bagkus depende ito sa estado ng kamalayan at espiritwal ng mga nilalang kasama na ang mga pumanaw nating mahal sa buhay.
Kung ang sumakabilang buhay ay Kristiyano o nananalig sa kapanganakan ni Hesukristo bilang Mesias o tagapagligtas ay hindi malayong makihalubilo siya sa dimensyon ng mga buhay para ipagdiwang din ang Christmas o Kapaskuhan.
Kaakibat nito ang maayos o mapayapang pagpanaw lalo na kung sanhi ito ng sakit o ‘di man kaya ay hindi na dumanas ng matinding paghihirap sa buhay.
Ngunit kung ang namayapa ay biktima ng trahedya o anumang krimen ay malabong makisalamuha ito para sa pagdiriwang ng Pasko ng mga buhay.
Ang mga elemento o engkanto sa kabilang dako ay walang Pasko dahil wala naman silang relihiyon tulad ng Kristiyanismo bagaman may respeto sila sa pananampalataya ng tao sa kundisyong irespeto rin sila.
Ang mga ET/ekstra-terestriyal o alien ay maaari ring makipagdiwang ng Pasko depende rin sa estado ng kanilang pananampalataya dahil kung may relihiyon man sila ay siguradong hindi kasama ang Kristiyanismo bagkus ay sa pangkalahatang pananalig sa may likha ng langit, lupa, sa lahat ng nilalang at mga planeta sa buong kalawakan.
Kung susumahin ko ang katotohanan ng kabilang dimensyon, ang pangunahing nagdiriwang ng Pasko ay ang taong naniniwala sa kapanganakan ni Hesukristo habang ang mga nilalang sa kabilang dimensyon ay maaaring lumahok sa pagdiriwang depende sa nakakasalamuha nilang tao at estado ng consciousness o kanilang kamalayan.
***
Para sa inyong mga kuwentong kababalaghan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsibayan.com at abante.com.ph.