Nagbigay ng katiyakan sa publiko ang gobyerno na ligtas kainin ang poultry products mula sa Pampanga at Nueva Ecija na tinamaan ng bird flu.
Ayon mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte na nakiisa sa isang okasyon sa Pampanga at sumamang kumain ng poultry products mula sa mga lalawigang apektado ng bird flu outbreak na kumilos ang pamahalaan para mapigil ang paglaganap ng nasabing virus.
Sa katunayan, nitong Agosto 24 ayon pa sa Pangulo ay nakumpleto na ng gobyerno ang ‘culling’ o pagpili at paghakot sa mga poultry product na nadale ng avian flu mula sa mga apektadong lugar.
Ang maagap na pagkakasamsam sa mga poultry products na apektado ng bird flu ay naging mabilis dahil sa tulong ng mga idineploy na mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ipinakalat ang ilang sundalo katuwang ng local government units para magmando sa mga checkpoints at makontrol ang paglabas ng mga poultry products papalabas sa naturang mga probinsya.
Ganito ang naging listong tugon ng gobyerno sa bird flu outbreak upang hindi magdulot ng mas malawak na perhuwisyo.
Gayunpaman ay hindi pa rin ito matibay na basehan para mawala ang pangamba ng publiko sa pagkain ng mga produktong maaaring pagmulan ng bird flu.
Hanggang ngayon kasi ay talagang tumumal ang bentahan ng poultry products na isang malinaw na indikasyon na naroon pa rin ang pangamba ng publiko sa pagkain ng mga produktong maaaring kontaminado ng bird flu.
Kaya dapat ay dinodoble ng gobyerno lalo na ang mga ahensiyang may kaugnayan sa pagpapakalat ng tamang impormasyon patungkol sa bird flu .
Hindi sapat na kontrolado na ang paglabas ng poultry products sa mga apektadong lugar ang kailangan ay magkaroon ng regular na pagbibigay ng update sa publiko ang mga ahensiya ng gobyernong may kinalaman sa usaping ito upang sa gayon ay mapanatag ang kalooban ng publiko at muling tangkilikin ang poultry products.