
Nakaka-proud na isang Filipino-American ang nanguna sa graduating batch ng School of Community Health Sciences ng University of Nevada sa Reno. Si Terence Dustin Enriquez na tubong Tanza sa Cavite ay nagtapos ng Bachelor’s Degree in Community Health Sciences with an emphasis in Kinesiology nang may Dakilang Papuri o Magna Cum Laude.
Bukod sa pagiging Caviteño, iisang dugo rin ang nananalaytay sa amin ni Dustin. Magkapatid ang aming mga nanay kaya first cousins kami. Nakakataba ng pusong nag-uwi siya ng pagkilala para sa aming angkan.
Gaya ng ibang college student, umabot din daw siya sa puntong nalilito siya sa kanyang career path. Kuwento niya, “When I started college, most of the people I met seemed to already have their entire life planned out. I, on the other hand, had an existential crisis almost daily about what I was doing with my life.”
Nag-focus lang daw siya sa studies niya nang nalaman niya ang tungkol sa community health sciences. Agad daw napukaw ang kanyang interes ng nasabing kurso.
Aminado si Dustin, hindi naging madali ang kanyang apat at kalahating taong pag-aaral. Kuwento niya, nag-part time job din siya sa fitness center ng kanilang unibersidad. Isinabay niya ito habang nagsusunog ng kilay sa kursong kanyang pinili. “Hard work really pays off,” sabi niya.
Unexplainable daw ang kanyang pakiramdam nang magtapos siyang may karangalan.
Sino nga naman ang mag-aakalang mangunguna siya sa may dalawang daan pang graduates? “I feel honored to be at the top of my graduating batch. It puts into perspective the hard work I put throughout college,” kuwento niya.
Abot-abot ang pasasalamat ni Dustin sa kanyang mga kapatid at magulang. “If I could write about all that they do for me and continue to still do for me, I would be writing forever. I love them,” bahagi ito ng talumpati na kanyang ibinahagi sa commencement ceremonies ng unibersidad.
Proud parents naman ang aking Tito Ray at Tita Gina sa naabot ng kanilang unico hijo. Plano ni Dustin na pumasok sa Physical Therapy School para sa kanyang further studies.
Muli, ang aming pagbati sa’yo Dustin!