Bawas-problema na sa panig ng pamahalaan ang tinatayang P10 bilyong kakailanganin taun-taon para sa implementasyon ng free tuition fee law sa state universities and colleges (SUCs) sa buong bansa.
Ito ay matapos na aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order (EO) na nag-oobliga sa mga Government Owned and Controlled Corporations (GOCC) na ideklara at i-remit sa gobyerno ang 50% ng kanilang kita kada taon.
Tumpak ang desisyong ito ni Pangulong Duterte na nakatitiyak din kaming suportado ng nakararaming Filipino.
Malaking tulong ang magagawa ng kita ng mga GOCCs para maitaguyod ang libreng matrikula sa SUCs at iba pang eskuwelahang saklaw ng nasabing batas na nagkakaloob ng free tuition fee sa mga estudyante.
Kesa naman ibigay sa mga opisyales at gamitin sa kung anu-anong walang kuwentang mga gastusin tamang i-remit na lamang sa kaban ng bayan ang kalahati ng kanilang taunang kita upang magamit sa may katuturang programa ng gobyerno na ang magbebenepisyo ay ang mga kabataan.
Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng lahat na sobra-sobrang sahod at kung anu-anong benepisyo ang tinatanggap ng karamihan sa mga opisyal ng GOCCs pero sa kabila ng pagkakatuklas sa kanilang luho ay tila wala pa ring nangyayari. Patuloy pa rin sila sa tinatamasa nilang biyaya.
Kaya sa bisa ng EO na nilagdaan ng Pangulo, wala nang dahilan para tumanggap ng sobra-sobrang suweldo at kung anu-ano pang benepisyo ang mga opisyales ng GOCCs, putol nang lahat ‘yan.
Ang sa amin, pag-aralan lamang namang mabuti at kung walang ikinukunsidera ay makakahanap at makakahanap ang gobyerno ng pondong gagamitin sa implementasyon ng kanilang mga programa.
Hangad nating makahanap pa ng ibang solusyon ang gobyerno na katulad ng ginawang ito sa GOCCs upang walang maging problema sa pagpapatupad ng batas na ito para sa libreng matrikula.