Parehong humirit ng do-or-die Game 3 ang BaliPure at defending champion Pocari Sweat kagabi nang resbakan ang mga katapat sa Game 2 ng best-of-three Premier Volleyball League Open Confe­rence semifinals sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Umahon sa 1-3 down sa fifth set ang Reinforced Conference runner-up Water Defenders para payukuin ang top seed Creamline 25-19, 19-25, 25-16, 18-25, 15-13 sa pangalawang match.

Kinalos naman sa five sets din ng three-time champion Lady Warriors ang Hair Fairy Air Force 25-22, 16-25, 23-25, 25-21, 15-12 sa unang sultada.

Sa Miyerkules malalaman kung sino sa kanila ang maghaharap sa best-of-three finals.

“Patibayan ng loob ito,” ani BaliPure head coach Roger Gorayeb.

Si Aiko Urdas ang isa sa naging armas ni Gorayeb sa opensa, naglista ng 19 points mula sa 13 attacks at tigatlong blocks at service aces.

Tangan ng Creamline ang 10-9 abante sa third frame, pero humataw ang Water Defenders ng 9-1 run kasama ang service ace ni Malabanan para maagaw ang bandera 18-11.

Inalagaan na lang ng BaliPure ang malaking lamang tungo sa 2-1 set lead.

Nakahirit ng deciding fifth set ang Cool Smashers nang mag-init si Pau Soriano sa fourth.

Hawak ng Water Defenders ang 8-7 abante sa first technical timeout sa fourth, naagaw ng Creamline ang manibela sa isa ring 9-1 run para sa 16-12 lead.

Lumobo sa walo ang bentahe ng Cool Smasher 22-14 sa tatlong sunod na kills ni Soriano.