May good news sa mga momshies 

aksyon-kaye-box Kaye Dacer

Matapos ang enrolment ay paniguradong masikip pa rin ang budget ng mga mudra na kagaya ko dahil araw-araw na baon at pamasahe naman sa eskwela ang paglalaanan ng budget.

Kaya good news na maikukunsidera talaga sa bawat ina ng tahanan ang balita ng kumpanyang Meralco para sa mga residente ng Metro Manila na pagbaba ng singil sa kuryente.

Ito ay matapos na inanunsyo ng Meralco ang isa pang pagbaba sa singil ng kuryente ngayong buwan ng Hunyo na aabot sa P1.43 kada kilowatt per hour (kWh) para sa tipikal na residential household.

Nauna na ring nagbaba noong Mayo ang Meralco ng mahigit P0.29 kada kWh sa singil sa kuryente kaya naman nagkaroon pa ng refund ang ibang kumukunsumo ng kuryente.

Mula sa kabuuang halaga na P9.60 per kWh nakaraang buwan ay bumagsak na sa P8.17 per kWh ang singil sa kuryente.

Dahil dito naitalang pangalawa sa pinakamababa ang singil ng Meralco ngayong Hunyo mula noong December 2009.

Nabuhayan naman ng loob ang manufacturing sector dahil ito ang pagkakataon nilang maging produktibo at samantalahin ang mababang singil sa kuryente upang lumago ang kanilang kita.

Ang bagsak na singil ay katumbas ng halagang P285 na kabawasan sa kabuuang singil sa isang ordinaryong residente na kumukunsumo ng mahigit na 200 kWh sa buwan ng Hunyo.

Ang mababang singil ngayong Hunyo ay dulot ng refund ng over-recovery sa pass-through charges mula January 2014 hanggang December 2016 na aabot sa halagang P6.9 billion.

Ito ay dulot ng refund ng Meralco na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) noong May 11, 2017, at ipapatupad ito mula Hunyo hanggang Agosto 2017.

Hatid din ito ng pagbaba sa singil ang bumababang generation charge, mababang generation cost dahil sa epektibong pagpapatakbo ng IPPs at PSAs, at mababang WESM charges.

Dahil dito, tiyak na mababawasan ang init ng ulo nina momshies bunsod ng mababang singil sa kuryente kaya maaaring magamit ang sobrang budget sa iba pang pangangailangan ng pamilya.