Matikas na inumpisahan ng Tropang TNT ang kampanya sa season-ending PBA Governors’ Cup nang pagulungin ang Rain or Shine, 101-98, sa main game sa Smart Araneta Coliseum kagabi.
Limang players ng TNT ang umiskor ng 11 pataas sa pangunguna ng 19 points ni Jayson Castro. Nagdagdag si Mario Little ng 18, may 17 pa si Michael Madanly.
“Good we were able to survive this tough game. Mabuti we won so we can have a good start,” bulalas ni Tropang TNT coach Jong Uichico. “When you’re playing Rain or Shine, we like to defend decently pero kailangan maka-shoot kami. Eventually they will find ways to score.”
Walang kalawang ang Rain or Shine, nakabalik na si Paul Lee mula sa iniindang knee injury, gayundin sina Gabe Norwood at Jeff Chan mula Gilas.
Nakipagpukpukan ang Elasto Painters, sa payanig sa third quarter ay tangan pa ang manibela, 85-74, papasok sa fourth. Kaya lang ay mas determinado ang Tropang TNT sa dulo, lalo si Castro.
Hanggang sa final 2.5 seconds ay nagkaroon ng tsansa ang bagong koronang Commissioner’s Cup champion RoS, bumiyahe sa stripe si Norwood nang matawagan ng deliberate foul si Castro. Pero walang naipasok si Norwood sa dalawang tira, bumalik sa E-Painters ang posesyon pero hindi na rin nakadiskarte.
Sa bisperas ng bakbakan, nabanggit ni coach Yeng Guiao na aligaga siyang baka dapuan ng championship hangover ang kanyang Elasto Painters lalo’t kabisado niya ang kalibre ng Tropang Texters. Laban sa TNT, hindi puwede ang lalamya-lamya sa magkabilang dulo ng court.