
May halong lungkot si coach Boyet Fernandez sa pagkakapanalo ng San Beda sa San Sebastian, 76-65, sa 93rd NCAA basketball kahapon.
Hindi nagustuhan ni Fernandez ang pagbawi ng referees sa kanilang tawag at sa pagiging pisikal ni Stag Michael Calisaan.
Tinawagan ng disqualifying foul si Calisaan kaya paniguradong masisipa sa laro ang fourth-year forward.
Pero matapos i-review, binago ng referees ang desisyon at ginawang unsportsmanlike foul na lang.
“Hintayin ko na lang memo kung ano reaction nila sa downgrade. The intention was there. It’s not really how hard the foul, it’s the intent,” hayag ni Fernandez. “Kung ganu’n lang din dapat bawiin nila ‘yung tawag kay Robert (Bolick).”
Si Bolick ay napatawan ng one-game suspension at wala nang pag-asa na makakuha ng kahit na anong individual awards.
Inaangal pa ni Fernandez na palaging ginagawa ni Calisaan ang mga pasimpleng paninira sa tuwing may laro sila.
“Ang tagal na niyang ginagawa ‘yan, every time I watch his game, I see him punching other guys and nobody’s even making the calls and throwing him out,” ani Fernandez.