Dear Kuya Rom,

Tawagin na lang natin siyang Joy. Parehas kaming­ hindi nakatapos ng college. Mahirap ang buhay ng ­aming mga pamilya at kailangang magtrabaho.

Kasama­ ko siya sa isang department ng kompanya. Madalas na magkasama kami kapag breaktime sa lunch at snack. Naging close kami.

Isang araw, nagtapat ako sa kanya na gusto ko siya. Nagtapat din siya sa akin, hindi raw siya handang makipagrelasyon, kasi masakit ang nangyari sa kanya, iniwan siya ng boyfriend niya, at siya nabuntis at nagpalaglag.

Sabi ko, para sa akin, nakaraan na iyon at hindi na mababago, kaya tatanggapin ko kung sinuman siya, at gusto ko ang nakikita ko sa kanya ngayon.

Pero alam ­niyang may conservative values ako at ang family ko na naniniwalang dapat virgin ang babaeng mapapanga­sawa, kaya sabi niya, maghanap na lang ako ng iba.

Matagal na hindi namin napag-usapan ang feelings ko sa kanya. Gusto kong buksan ito ulit. Pero nagulat ako nang malaman kong nag-resign siya para ipagpatuloy ang pag-aaral sa college.

Nag-text ako sa kanya at kinumusta ko. Siya raw ay may blessing na tinanggap, pag-aaralin siya ng kanyang tiyahin na nasa Canada.

Sabi ko, nami-miss ko siya. Pero hindi na niya sinagot ang text ko. Sabi ng ate ko, may inuuna si Joy.

Gusto ko pa rin siya. Pero parang ayaw na niyang makipag-usap, kahit sa text, sa akin. Anong gagawin ko? Kalimutan ko na lang ba siya? — Jay

Dear Jay,

Maaaring natatanggap at nababasa ni Joy ang iyong text, pero may isang mahalagang bagay na dapat niyang unahin ngayon.

Pinagpala siya ng Diyos ng isang mala­king pagkakataon, na maaaring ito ay sagot sa kanyang panalangin, at nais niyang ito ang kanyang unahin, higit­ sa lahat.

Binigyan siya ng blessing para makatapos siya ng college. Nakatuon siya sa kanyang pag-aaral ngayon.

Posibleng sa pag-aaral lamang siya naka-focus ngayon, at isinantabi muna niya ang ibang bagay.

Mabuting bigyan mo siya ng layang piliin kung ano ang dapat niyang unahin sa kanyang buhay. Igalang mo ang kanyang personal na desisyon.

Irespeto mo ang kanyang pananahimik at pag-iwas sa anumang makakasagabal sa kanyang pag-aaral.

Kung may text man ngayon na ikatutuwa niyang matanggap, tiyak na ito ay isang salitang magbibigay sa kanya ng lakas at encouragement. I-text mo sa kanya na idinadalangin mo ang kanyang kalusugan, kaligtasan, at tagumpay.

Upang parehas kayong magkaroon ng katahimikan,­ kalimutan mo ang feelings mo sa kanya. Itigil mo ang pati-text sa kanya.

Manalig kang batid ng Diyos ang iyong nararanasan, at ang kalooban Niya sa iyo ay ­kabutihan mo.

Manalangin kang tulungan ka ng Diyos na makatapos din ng pag-aaral. Ipagpatuloy mong panindigan iyong conservative values.

Idalangin mong bigyan ka ng Diyos ng gabay upang matagpuan mo ang babaeng itinakda Niya sa iyo. May God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom