May ka-chat na misis, nilikida

Pinagbabaril ng mga hindi nakila­lang riding in tandem suspect ang isang babae na sinasabing may ka-chat habang ito ay sakay ng kotse matapos na ihatid ang anak sa eskuwelahan sa Sta. Rosa City, Laguna, Lunes nang umaga.

Kinilala ang 34-anyos na biktima na si Mary Jane, ng Barangay Tagapo.

Ayon sa hepe ng Sta. Rosa Police na si Lt. Col. Eugene Orate, sakay ng pulang Toyota Wigo si Mary Jane nang tabihan siya ng nakamotorsiklong suspek sa Barangay Balibago ganap na alas-siyete nang umaga at pagbabarilin sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Isinugod ang biktima sa Sta. Rosa Hospital and Medical Center habang mabilis na tumakas ang mga salarin.

Hinihinala ng pulisya na crime of passion ang motibo sa pananambang at iniimbestigahan kung selos ang dahilan.

Ayon pa sa pulisya, hinihinalang may ibang karelasyon ang biktima.

Nakita aniya sa cellphone nito na mayroon itong ka-chat at pinapadalhan pa ng kanyang mga larawan. (Ronilo Dagos)