Dear Atty. Claire:
Good day po Atty. Claire, gusto ko lang po sana manghingi ng advise.
Noong 2009 po, pinagkatiwalaan po ako ng aking kapatid na nasa ibang bansa na magtayo ng negosyo. Ang naisip ko pong negosyo ay isang apartelle.
Binigyan po ako ng kapatid ko ng pera para mapatayo ang negosyo. Simula po nang pinapagawa pa lamang po ang apartelle, ay ako na po ang humawak at nag-asikaso po. Hanggang ngayon na successful na ang apartelle (puhunan lamang po ang nanggaling sa aking kapatid).
Nakapangalan po ang apartelle sa nanay namin, dahil naturalized citizen po ang kapatid ko sa Denmark. Kaya kay nanay po pinangalan ang apartelle. Ang kapatid ko po ang gumagamit at nagdedesisyon sa kita ng apartelle, at ako po ay sinisuwelduhan lamang. Ang binibigay naman po ng kapatid ko sa nanay namin ay P500 kada 15 days. Ang bank account kung saan dine-deposit ang kita ng apartelle ay nakapangalan sa akin at sa nanay ko.
Ngayon po pagkatapos po ng 8 taon na paghawak ko sa apartelle ay tinatanggal ako ng kapatid ko dahil gusto n’yang kunin ang negosyo sa amin.
May karapatan po ba ako at ang nanay ko na maghabol bilang sa akin po nanggaling ang lahat ng ideya at ako po ang nag-asikaso simula noong tinatayo pa lamang ang building hanggang sa nag-o-operate na ito at puhunan lamang ang kanya. At sa nanay ko naman po nakapangalan ang lahat ng ari-arian at ang kapatid ko na Danish citizen. Lahat po ng ari-arian ay legal na nakapangalan sa amin ni nanay. Ano po ang dapat naming gawin?
Salamat po,
Elaine
Ms. Elaine:
Sa simula pa lamang ay aminado ka na ang negosyo ay sa kapatid mo. Kung wala siyang binigay na puhunan upang makapagpatayo ng business ay wala rin namang mangyayari sa iyong mga ideya kahit napakaganda pa nito.
Umamin ka rin na ikaw ay may suweldo at pati ang nanay ninyo ay may sustento. Ipinangalan lamang sa nanay ninyo ang kanyang business dahil sa naturalized citizen siya ng ibang bansa. Pinagkatiwalaan ka ng kapatid mo sa simula’t simula pa lamang at pati ang bank account ay nakapangalan sa inyong mag-ina. Dapat mo bang ibigay ang pera na kanyang kinita mula sa apartelle? Bilang isang mapagkakatiwalaang tao ay dapat mong ibigay lahat-lahat sa kanya. Ang apartelle ay kanya at ikaw ay kanyang pasuweldo o empleyado lamang at hindi dapat na mag-expect ng anuman sa negosyo.
Sana sa simula pa lamang ay sinabi mo sa kapatid mo na nais mong maging kanyang ka-partner at nagkasundo sana kayo na ikaw ay gawing industrial partner upang hindi ka lamang pasuweldo o empleyado kundi may interest o share na rin sa negosyo.
Sa sitwasyon ninyo ay sa kanya ang negosyo, sa kanya ang kinita nito kaya dapat mong isuko lahat sa kapatid mo. Masakit ito sa magkapatid pero iwasang maging gahaman. Pera lamang ang problema ninyo at kikitain mo pa iyan sa ibang paraan.
***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624/922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.