Alam kong sandamakmak na testigo na ang inilutang ng Department of Justice (DOJ) para idiin si dating secretary at ngayo’y Senador Leila de Lima sa kalakaran ng iligal na droga sa National Bilibid ­Prison (NBP).

Marami ang nagsasabi na may K as in kredibilidad o karapatan ang mga inilutang na testigo ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa House probe.

Ilan sa binitbit na testigo ng DOJ ay sina dating Bureau of Corrections chief at ngayon ay National Bureau of Investigation (NBI) deputy director Rafael Ragos, aide nitong si Jovencio Ablen, at mga inmates na sina Rodolfo Magleo, Joel Capones, at bigtime druglord Herbert Colanggo, Jojo Baligad, Froilan Trestiza, Hans Anton Tan, Jesusa Francisco, Noel Martinez at Jaime Pacho.

Isa sa nakaagaw atensyong testigo ng DOJ ay si PNP Deputy Chief General Benjamin Magalon­g na nagbigay ng kanyang testimonya sa mga ­kaganapan sa NBP noong panahong ito ay tumatayo pang Crimina­l Investigation and Detection Group (CIDG) director at nakasama sa pagpaplano ng pagsalakay sa NBP pero nasunog umano ang ipinor­mang operasyon noong Disyembre 2014 na kanyang ipinrisinta sa dating Justice at ngayo’y Senador­ De Lima.

Alam kong marami na tayong narinig na mga alegasyon na mismong ang mga detainees ng NBP ang nagbabahagi pero wala pang nagsasabi kung may katotohanan ang kanilang mga akusasyon lalo na’t alam naman nating lahat ang kanilang mga background pero sabi nga ng ilan wala nang titibay na testigo kundi ang mga mismong nasa loob ng NBP na araw-araw na nakasaksi sa mga kalokohang nangyayari sa loob ng Bilibid.

Pero bakit kaya hindi isama rin sa listahan ng mga tetestigo itong si dating BuCor chief Ernesto Diokno­ na halos tatlong buwan lamang naging ­pinuno ng BuCor dahil sinibak na ito sa puwesto ng kanyang­ ­kaibigang­ si dating Pangulong Noynoy Aquino matapos­ masilipang may high profile na bilanggo ang naglalamiyerda­ sa labas ng Bilibid.

Ipagpalagay na nating nabutasan si Diokno sa ­nasabing iregularidad pero bago ito nangyari ay ­naging istrikto rin ang dating opisyal sa loob ng NBP dahil ito ang nasa likod ng pagpapabaklas ng mga aircon sa ilang kubol.

Walang kumpirmasyon si Diokno pero ang mga aircon ay hinihinalang ginagamit ng mga maiimpluwensiyang preso para i-stock ang kanilang mga iligal na droga gaya ng shabu.

Kaya sa aking tingin ay may bigat ang maaaring mailahad ni Diokno sa ginagawang imbestigasyon ng Kamara sa drug trade sa NBP.

Sa maiksing panahon ng pananatili ni Diokno sa BuCor napakaimposibleng wala itong natisod na malalim na transaksyong nagaganap sa loob ng Bilibid.

Pero ang tanong pumayag kayang tumestigo ni ex-BuCor chief Diokno ngayong nasa pribadong buhay na ito at tila wala nang problema?