May MERS-CoV sa panahon ni ex-Pinoy

Rey Marfil-SpyOnTheJob

May mga kurimaw tayong nagsasabing masuwerte raw si dating Pangulong Noynoy Aquino III dahil hindi sa panahon niya nangyari ang krisis ngayon na dulot ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.

Ang hindi alam ng marami, may kinaharap din noon na banta sa virus ang bansa noong kanyang administrasyon na dulot ng kamag-anak ng COVID-19—ang Middle East Respiratory SyndromeCorona Virus (MERSCoV).

Para sa kaalaman ng mga tsokaran natin, maraming uri ang coronavirus na talaga namang perwisyo na nanggagaling sa mga hayop at naipapasa sa tao. Bukod sa COVID-19 at MERSCoV, may nauna pang Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS).

Ang COVID-19 at MERS-CoV, parehong naipapasa sa tao sa pamamagitan ng droplets o laway o pagbahing. H i n d i t u l a d n g COVID-19 at SARS na kapwa ‘made in China’, galing naman sa Middle East at pinaniniwalang nagmula sa camel ang MERS-CoV.

Taong 2012 nang nagsimula itong matuklasan sa Gitnang Silangan, pero naging banta sa Pilipinas pagkaraan ng dalawang taon nang may dumating na OFW at dayuhan na nagpositibo sa virus.

Gaya ng COVID-19, nakarating din ang MERSCoV sa ibang bansa tulad ng Pilipinas, Algeria, Austria, Bahrain, China, Egypt, France, Germany, Greece, Islamic Republic of Iran, Italy, Jordan, Kuwait, Lebanon, Malaysia, the Netherlands, Oman, Qatar, South Korea, Kingdom of Saudi Arabia, Thailand, Tunisia, Turkey, United Arab Emirates, United Kingdom, United States, at Yemen.

At hindi gaya ng COVID-19 na sinasabing hindi naman masyadong deadly, sa MERS-CoV, mahigit 30 porsiyento ng tinamaan nito ang namatay. Halos pareho rin ang sintomas ng dalawang virus na akala mo eh natrangkaso ka lang pero niyayari na ang immune system mo hanggang sa atakin na rin ang baga mo at hindi ka na makahinga.

Kaya naman sa unang palatandaan pa lang daw na baka kumalat ang MERS-CoV sa Pilipinas, inatasan na ni Aquino ang mga kinauukulang mga ahensiya sa pangunguna ng Department of Health na pinamumunuan noon (na kongresista ngayon) na si Janette Garin, na magsagawa ng surveillance at monitoring sa mga paliparan, at hindi na nila sinunod ang protocol mula sa World Health Organization (WHO) pagdating sa pagharang sa virus.

Ang kagandahan sa maagap na pagkilos ng administrasyong Aquino, bukod sa mabilis na pagtukoy sa mga tinatawag na ‘close contact’ ng nag-positive sa MERS-CoV, mabilis din na nalalaman ang resulta ng test.

Kaya naman naiwasan ang tinatawag na ‘local transmission’ o pagkakaha-hawa ng mga tao na hindi naman lumabas ng bansa.

At dahil naagapan ang pagkalat ng MERS-CoV, aba’y halos wala yatang nakaramdam ng banta ng naturang virus na maraming itinumba sa SoKor, bukod sa mga bansa sa Middle East.

May ilang kurimaw na pumupuna kay Garin na bakit daw kuda nang kuda tungkol sa ginagawang pagtugon ng kasalukuyang kalihim ng DOH na si Francisco Duque III sa COVID-19. Pero in fairness kasi sa ale, may napagdaanan din kasi siyang katulad na sitwasyon noon sa MERSCoV.

Pero siyempre ibang usapan naman ang tungkol sa dengvaxia issue. Kahit nga si Duque eh inamin sa isang pagdinig ng Kongreso, na dapat eh inagahan niya at siya na lang dapat ang nagdeklara ng ‘state of public health emergency’ tungkol sa COVID-19 sa bansa at hindi na niya dapat hinintay ang deklarasyon mula sa WHO.

Pero siyempre, nangyari na ang nangyari at malaki ang peligro ngayon na kumalat pa at mas marami pang Pinoy ang baka mahawahan ng COVID-19. Ngayong naka-community quarantine na ang buong Luzon at maging ang ilang lalawigan, ang kailangan lang eh pagkakaisa ng mga tao at tulungan ng gobyerno at pribadong sektor ang mga kababayan nating labis na maapektuhan ang kabuhayan ‘community quarantine’ para makasunod sila sa iniuutos ng pamahalaan. Gaya ng MERS-CoV, pasasaan ba’t malalampasan din natin ang COVID-19. Sabi nga, dasal at tiwala lang sa Maykapal.

Laging tandaan: ‘Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo’.