May Mother’s Day gift

Aksyon Lady, Kaye Dacer

Good news muna tayo dahil sa katatapos na ‘Mother’s Day’ kung saan ay napakarami nating pagbating tinanggap mula sa ating mga mahal sa buhay at mga kaibigan.

Ang nakakatuwa pa kahit tapos na ang ‘Mother’s Day’ at paldo pa rin sina momshies, mommy, nanay, inay, mud­ra dahil sa tinanggap na kung ano-anong pakonsuwelo ng mga nagmamahal sa kanila ay may ilan pang magandang kaganapan tayong natatanggap.

Katulad na lamang ng balitang pagbaba ng presyo ng kuryente ng Manila Electric Company (Meralco).

Sinabi nating regalo dahil sila ka­tulad ko, sila mudra ang aligaga sa pagba-budget ng mga gastusin kaya kapag nagmamahal ang bilihin, hirap na hirap ang mga itong pagkasyahin ang iniabot na budget ni daddy o ni anak na siyang tagasuporta sa mga panganga­ilangang pinansyal sa bahay.

Kaya naman ngayong buwan tiyak na luluwag ang budget ng ating mga momshies dahil ayo­n sa Meralco, bumaba ang presyo ng kuryente ng 54 centavo kada kilowatt hour.

Ibig lamang sabihin nito nasa P109 hanggang P272 ang bawas sa singil nga­yong buwan, depende sa konsumo ni mommy.

Nakaka-good vibes ito dahil sa gitna ng sunod-sunod na mga anunsiyo ng iba-ibang kompanya na magtataas sila ng presyo ng mga produkto ay nakisama ang Meralco.

Sabagay, mala­king parte ng buwanang budget natin ang napupunta sa kuryente, kaya sa pagbabang ito malaki rin ang tipid natin kaya ramdam natin ang ginhawa.

Sa laki ng ating matitipid mga momshies, puwede nang ilaan sa ibang bilihin ang sobra katulad ng ekstrang kilo ng bigas o asukal.

At kung malaki-laki pa du’n, puwedeng mag-take two ng Mother’s Day ce­lebration.

Puwede ring itabi para pandagdag sa mga school supply ng mga tsikiting dahil pasukan na sa susunod na buwan.

Napakasarap mag-budget kapag alam mong may ma­laki kang savings, naku sana hindi lang tuwing ‘Mother’s­ Day’, sa lahat sana ng okasyon para la­ging happy si mommy.