May natutulog sa pansitan

Laman ng mga balita ang sorporesang inspection ng mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Correctional Institute for Women (CIW) sa Mandaluyong City, kung saan limpak-limpak na salapi, iligal na droga at iba pang uri ng kontrabando ang nasamsam sa mga kulungan.

Hindi na bago ang mga ganitong nakukumpiska sa mga piitan dahil kahit anong paghihigpit ang gawin ng mga opisyal ng BuCor at BJMP ay mayroon at mayroon pa ring nakakalusot sa kulungan.

Pera-pera lang ang labanan lalo na kung mayroong mga nakapiit na bigtime dahil ma­tindi ang tukso sa kinang ng salapi lalo na sa mga maliliit na manggagawa sa mga piitan.

Batay sa ginawang “Operation Greyhound” ng mga jail personnel, nakakumpiska ang mga ito ng P250,000 cash sa mga kulungan o dormitoryo, at isang daang libong piso ay na-trace sa matandang high-profile inmate na si Yu Yuk Lai, habang ang iba ay mula sa plunderer inmate na si Janet Lim Napoles.

Nakapagtataka namang nalusutan ang mga bantay na jailguard dahil hindi natunugan ang naipasok na ma­laking halaga ng pera sa dormitoryo ng mga inmate.

O baka naman na­lingat o bulag ang mga nagbabantay dahil bago makapasok sa CIW ay katakot-takot na fris­king o pangangapkap ang ginagawa sa mga dadalaw sa mga inmate.

Mayroon naman sigurong closed-circuit television (CCTV) sa mga entrada ng CIW at iba pang tanggapan ng gobyerno kaya imposibleng makalusot ang mga kontrabando sa loob ng kulungan. Maliban na lamang kung sira o hindi gumagana ang mga ito kaya hindi nakita ang mga puslit na pera, iligal na droga at iba pang kontrabando sa loob ng mga kulungan.

Nakakabilib ang kamandag nina Yu Yuk Lai at Napoles dahil sa kabila ng pagkakapiit ay tila nagagawa pa rin ang maluhong buhay sa loob ng kulungan.

Batay sa polisiya sa mga piitan, hanggang dalawang libong piso lamang ang maaaring hawakan ng isang preso sa loob ng kulungan at kung may sobrang kuwarta ay kinakaila­ngang ideposito ito o ilagak sa pangangalaga ng BuCor personnel.

Malinaw na may na­tutulog sa pansitan sa mahabang panahon sa CIW kaya panahon na siguro para gisingin, at kung nahihimbing pa ay mainam na hampasin ng baston o haplitin ng buntot ng page para mahimasmasan.

Mga sir, mga ma’am, wala na po tayo sa lu­mang sistema. Panahon na po ng pagbabago ngayon. Kung hindi man nakarating pa sa inyo ang abiso, puwes, tiyak na makakarating na ngayon dahil nabuko na kayo.