Hiniling ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) a obligahin ang mga dayuhang Philippine-based offshore gaming operator (POGO) na magparehistro muna sa ahensiya bago i-renew ang kanilang lisensiya.
Ayon sa report ng BIR kay Finance Secretary Carlos Dominguez III gusto nitong lumahok sa inter-agency task force na pinamumunuan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Bureau of Immigration (BI) para ma-monitor ang bilang ng mga Chinese national na nagtatrabaho sa online gaming industry.
Pakay ng BIR na matunton ang mga Chinese national na nagtatrabaho sa mga gaming operator.
Sinabi ni BIR Deputy Commissioner Arnel Guballa, pinayagan silang pumapel dahil humihingi sila ng mga datos sa immigration at DOLE.
Alinsunod sa inisyung BIR Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 78-2018, lahat ng mga dayuhan at Philippine-based gaming operator kasama ang may offshore license ay obligadong magparehistro sa BIR bilang requirement sa kanilang Pagcor license.
Ang registration sa mga offshore gaming operator ay maaaring gawin sa mga regional district office na may hurisdiksyon sa kanila.
Sa datos ng Pagcor, umabot sa P20.6 bilyon ang kita ng mga electronic gaming site nu’ng unang siyam na buwan ng 2018, at P16.5 bilyon dito ang galing sa bingo.
Wala tayong comparison ng kita ng Pagcor ngayong taon at sa mga nakalipas na taon pero hindi kaya may kinalaman ang apela ng BIR sa hindi pagiging consistent ng Pagcor sa kanilang trabaho?
Importanteng matukoy ng BIR ang mga nasa online gaming industry na mga Chinese. Aba’y baka naman sangkatutak na ang kinikita nila sa pagtatrabaho sa ating bansa pero libre pa sila sa buwis, aba’y unfair naman iyan sa mga empleyadong masigasig sa pagbabayad ng buwis sa gobyerno. Kaya tama ang apela ng BIR sa Pagcor, baka tutulog-tulog ito sa pansitan!
***
Tatlong taon na ang pinatinding giyera laban sa iligal na droga pero nananatiling isa ito sa seryosong problema ng bansa.
Patunay dito ang bloke-bloke ng cocaine na nakitang palutang-lutang sa karagatan ng Siargao kamakailan na tinatayang nasa 200 hanggang 300 milyong piso ang street value.
Nakakatakot ito dahil ipinakikita nitong hindi lamang shabu ang talamak dito kundi pati na ang cocaine na tanging mayayaman lamang ang may kakayahang bumili.
Mismong si dating PNP Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang nagsabing ang cocaine ay droga ng mayayaman at hindi ito kayang bilhin ng mahihirap. Ang shabu naman ang tinaguriang ‘poor man’s cocaine’.
Ayon na rin kay Bato, kung ang kabataang mahihirap ay pababayaan nating adik sa shabu at ang mayayamang kabataan ay adik sa cocaine, wala nang matitirang pag-asa ng bayan. At mangyayari ito kung walang magpapatuloy sa pagkilos laban sa iligal na droga.
Pagdating sa problema ng droga, eksperto na si Bato at naniniwala kaming may malaking maitutulong ang kanyang malalim na karanasan at kaalaman kung mailalagay natin siya sa senado. Sa problema ng bato, kailangan natin si Bato!