Iba na talaga ang panahon ngayon. Kung dati ay panaan at hagisan lang ng pillbox ang paraan ng pagganti ng isang grupo sa kaaway na grupo, aba’y ngayon eh lumilitaw na ‘pipe bomb’ na o improvised explosive device o IED ang gamit.

Batay ‘yan mga katropa sa impormasyon na ga­ling sa mga awtoridad tungkol sa naunang pagsabog na nangyari sa Quiapo noong Abril 28, na nagresulta sa pagkakasugat sa 14 katao.

Hindi itinuturing na ‘act of terror’ ng pulisya ang naturang pagsabog dahil ang nangyari raw ay away lang ng dalawang grupo. Katunayan, isang suspek ang nadakip nila at umamin daw sa pagtatanim nila ng bomba para gantihan ang taong nanakit sa kanilang kaanak.

Nangyari ang pagkakaaresto sa kabila ng pag-amin ng international terrorist group na ISIS na sila ang nasa likod ng pagsabog.

At isang linggo lang matapos ang naturang pagsabog, nagkaroon na naman ng pagsabog sa Quiapo. Pero sa pagkakataong ito, hindi lang isa, kundi dalawa ang sumambulat at may dalawang namatay at ilan pa ang nasugatan.

Gaya ng unang pagsabog, inangkin din ng ISIS ang dalawang pagsabog. At gaya ng unang pagsabog, dinedma rin ng pulisya ang teroristang grupo at sinabing may partikular lang na taong target ng nasa likod ng pambobomba.

Pero kung totoo ang lumabas na ulat, sinasabing gaya ng unang pagsabog—pipe bomb din umano ang ginamit sa ikalawang insidente at ginamitan ng detonating device o paraan kung papaano ito mapapasabog ng salarin.

Maliban sa malaking katanungan kung totoo bang ‘ordinaryong’ krimen ng gantihan o ambush ang dalawang insidente ng pagsabog at hindi talaga gawa ng terorista; aba’y sino at papaano napapasakamay ng mga salarin ang ganoong uri ng IED na ‘pipe bomb?’

Nauunawaan natin ang mga awtoridad kung hindi man nila sabihin sa publiko ang buong ‘katotohanan’ sa likod ng mga pagsabog sa Quiapo, lalo na’t patuloy ang imbestigasyon at pagtugis sa mga salarin, pero sana lang ay huwag nilang masyadong gawing secret ang anumang impormasyon lalo na’t kung kaligtasan ng mga tao ang nakasalalay dahil maraming tao ang nagpupunta sa lugar — lalo na simbahan.

Hindi dapat magbakasakali ang pulisya at baka tumama ang pag-analisa ng isang eksperto na baka ‘testing’ ng ISIS ang dalawang naunang insidente para sa mas mapaminsala nitong masamang balak.

Kaya mag-ingat at maging mapagmatiyag din tayo mga katropa.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

One Response