May pinagdadaanan? Patayin n’yo na lang ako – Miles

Ngayon ang 22nd birthday ni Miles Ocampo, na nataong opening day ng pelikulang “Maledicto” na kasama siya sa cast.

Medyo na-bother kami sa Facebook post ni Miles bago ang “black carpet” premiere ng naturang pelikula nu’ng Monday night sa Santolan Town Plaza.
Naturingang kaarawan niya ay tila may hanash si Miles, dahil ang sabi niya sa FB post niya ay, “Patayin n’yo na lang ako.”

Ano ‘yon? At sino ang pinatutungkulan niya nu’n?

Nang makita namin ang Kapamilya actress sa premiere night ay sinubukan namin siyang usisain tungkol doon, pero umiiwas siya at sinabi niya sa aming huwag na lang pag-usapan ‘yon.

Nang kulitin namin siya ng kaibigang Rose Garcia about it ay kiyemeng kinukurot niya kami para huwag na namin siyang tanungin tungkol doon.

Deleted na ang post na ‘yon ni Miles. Ang nakangiting sey niya sa amin ay okey siya ngayon.

Happy ba siya ngayon o may pinagdadaanan siya?

“Happy po ako ngayon at sobrang excited ako. Sana excited din kayo,” sagot ng dalaga.

May pinagdadaanan ba siya?

Umiling si Miles at nakangiti kaming sinagot ng, “Okey po ako, masaya po ako.”

Eh bakit may ganu’n siyang post sa FB?

“Wala ‘yon, wala ‘yon. Excited na po akong maipalabas ‘yung pelikula,” pag-iwas ni Miles, na medyo naglakad na palayo sa amin kaya hindi na namin siya inurirat tungkol doon.

Birthday niya today, pero hindi pa raw niya alam kung anong ganap niya. Baka magpa-block screening lang daw sila ng mga kaibigan niya ng “Maledicto.”

Wala raw siyang pasok sa school pero iisipin niya pa kung anong gusto niyang gawin bilang free day niya ngayon.

Ang gusto ni Miles na birthday gift sa sarili niya ay mag-travel, pero may mga trabaho pa raw siya, so baka December pa siya makaalis.

Sa Japan niya gustong pumunta dahil happy place niya raw ‘yon. Pamilya niya ang kasama niyang pupunta ng Japan.

Ngayong 22 na siya, iwi-wish niya ba na sana ay magka-lovelife na siya?

“Baka sabihin niyo ang showbiz kong sumagot, pero hindi ko pa talaga naiisip ‘yon, swear! ‘Pag may nanligaw, babalitaan ko po kayo,” dayalog ni Miles, sabay tawa.

In fairness ay ang galing ni Miles bilang si Agnes na na-possess ng demonyo sa nasabing horror movie.

Kalerky ang itsura niya sa exorcism scene at tilian ang audience lalo na nu’ng humaba ang dila niya, na parang gusto niyang dilaan ang paring exorcist na ginagampanan ng bidang si Tom Rodriguez.

Isang Fox Original Productions katuwang ang Cignal Entertainment at Unitel Straightshooters, kasama rin sa pelikula na dinirek ni Mark Meily sina Jasmine Curtis Smith at Inah de Belen.
***

Jake proud sa
kaseksihan ni Inah

Suportado si Tom Rodriguez ng nobya niyang si Carla Abellana sa premiere night ng nasabing horror flick.

Mahilig daw sa horror si Carla kaya excited siyang mapanood ang movie ni Tom.

Dumating din si Dennis Trillo para suportahan si Tom, so itsurang may reunion that night ang stars ng “My Husband’s Lover.”

Wala ang non-showbiz boyfie ni Jasmine Curtis Smith na si Jeff Ortega, pero present ang boyfriend ni Inah de Belen na si Jake Vargas.

Excited mapanood ni Jake si Inah sa big screen. Binigyan ni Jake ng rosary si Inah bago ito nag-shoot ng pelikula for protection.

“Proud ako sa kanya, kasi may movie siya na first time niya na gumanap na ganito (sinapian ng masamang espiritu),” sey ni Jake, na ikinakilig ni Inah.

Masaya raw ang JaInah sa kanilang magti-3 years na relas­yon, marami na silang nagawang adventures at marami pa silang gustong gawin.

Okey raw sila sa pami-pamilya ng isa’t isa. Ang sabi ni Jake, wala siyang problema sa family ni Inah.

Hindi raw sagabal ang relasyon nila sa mga trabaho nila. At suportado nila ang isa’t isa kahit sa individual projects nila.

Nang banggitin namin ‘yung pinost niyang Palawan pic nila na nakahiga sila sa buhanginan na naka-bikini lang si Inah, ang sey ni Jake ay pinost niya ‘yon sa IG dahil proud siya sa kanyang girlfie.

“Oo naman, proud ako. Sexy siya, eh!” hirit nito, na medyo ikina-shy ni Inah at pa-girl nitong hinampas ng hawak na bouquet of flowers ang kanyang swit-switang nobyo.

Possessed na younger sister ni Tom ang role ni Inah sa “Maledicto.”

In fairness ay nagtitilian ang audience nu’ng premiere night, kaya wish ng cast na panoorin ito ng Pinoy audience at hindi pa naubos ang mga datung nila sa “Avengers: Endgame.”