May pinatunayan na si Senatror JV

Sa mga nakaupong Senador ngayong 17th Congress isa sa masasabi kong may napatunayan na bilang isang senador ay itong si Senador Joseph Victor Ejercito o mas kilala ng publiko lalo na ng mga kabataan bilang Sen. JV.

Sa mga hindi nakakaalam si Sen. JV na batid naman ng lahat na anak nina dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada at San Juan Mayor Guia Gomez ang nasa likod ng batas ng Sangguniang Kabataan Empowerment Act.

Kaya ang magaganap na halalang pambarangay at Sangguniang Kabataan sa Oktubre 31 ay si Sen. JV ang rason dahil siya ang nag-akda patungkol dito.

Sa ilalim ng nasabing batas ay binabawalang kumandidato ang mga may kamag-anak up to the second degree at pati by affinity, gayundin ang mga may kamag-anak na elected officials mula sa national level hanggang sa barangay level.

Napakahusay ng batas na ito na kanyang inakda. Pero nakapagtatakang isinulong niya ito gayong siya mismo ay mula sa angkan ng mga pulitiko.

Isa pang nakitaan ko ng husay sa batas ay tinumbok niya ang mga pulitiko sa barangay level lang. Hindi niya inisip na masasagsaan niya ang ilang miyembro ng kanilang angkan na alam naman nating napakalawak dahil halos lahat ay nasa puso ang pagseserbisyo sa bayan.

Ipinamalas ni Sen. JV sa nasabing batas na sa barangay level pa lamang dapat at sa kabataan pa lang ay mapraktis na ang Anti Dynasty Law na isinusulong din niya. Kahanga-hanga ito dahil siya ay may marami ring kaanak sa pulitika at marami pa siyang kamag-anak na darating na puwede pang makinabang sa pangalan nila. Ngunit hindi niya ito binigyang-pansin dahil sa kanyang paniniwala na hindi dapat makopo ng magkamag-anak ang gobyerno.

Bukod sa batas sa Sangguniang Kabataan Empowerment Act ay si Sen. JV rin ang sumulat at sumulong ng Magna Carta of Students Rights and Welfare, na kung saan ang mga karapatan ng sino mang kabataan na gustong mag-aral ay prinoprotektahan at isinasatupad gayundin ang Teachers’ Housing Program Act at ng Scho­larship program for Poor but Deserving Students Act.

Nakalahad din dito ang lahat ng karapatan ng mga estudyante.

Sinasabi ni Sen. JV na siya ay naniniwala sa kakayahan ng kabataan ng ating bayan.

Dala na rin sa karanasan niyang pagpupunyagi upang patunayan sa lahat na kaya niya mag succeed at gumawa ng sarili niyang pangalan sa paglingkod sa bayan, patunay dito ang kanyang pagpasok sa Senatorial elections noong 2013 na pumuwestong pang-11.

Nagawang ungusan ni Sen. JV ang ibang mga katunggali sa pagka-senador ng nasabing taon dahil nag-iwan ng tatak ang kanyang pagtayong mayor ng San Juan ng ilang taon at pagiging kongresista noong 2010 kung saan ay umabot sa 149 House Bills at 18 resolusyon ang kanyang iniakda kabilang dito ang Kasambahay Bill. Inilaban din ni Sen. JV ang pagkakaroon ng mas malaking subsidiya para sa state universities at colleges at ipinursige ang re­formation ng Sangguniang Kabataan System.

Sa Senado naman bagama’t nasa unang termino pa lamang ay pinatunayan na ni Sen. JV na may “K” siya sa ipinagkatiwalang puwesto sa kanya ng taumbayan sa Senado dahil nakapaghain siya ng 117 Senate Bills at 18 Senate resolutions.

Dahil sa mga kapaki-pakinabang na batas na isinulong ni Sen. JV tiyak kong magmamarka ang lahat ng kanyang nagawa sa sambayanang Filipino at hindi lamang dahil isa itong Ejercito kundi dahil may saysay ang kanyang mga iniakdang panukala at resolusyon at may benepisyong hatid sa lahat ng sektor, lalo na sa mga kabataan na katulad niya ay nakikitang may mahalagang papel na gagampanan sa ating lipunan.