Lungkot at saya ang nararamdaman ni Far Eastern University star Arvin Tolentino sa pagtatapos ng kanyang collegiate career.
Tapos na ang kampanya ng Tamaraws sa 81st UAAP basketball tournament matapos silang yumuko sa defending champion Ateneo, 61-80 kagabi sa Araneta Coliseum.
Ayon kay 6-foot-4 Tolentino, nagpapasalamat siya sa dalawang taon nitong paglalaro sa FEU, naging proud siya dahil sa pagtitiwala ng eskuwelahan sa kanya.
Maging ang Ateneo na dati niyang pinaglaruan ay pinasalamatan nito dahil kapag iba ang kalaban nila ay sinusuportahan din siya ng mga fans ng Blue Eagles.
“Proud ako sa FEU, masaya ako dahil sa tiwalang ibinigay sa akin,” saad ni Tolentino pagkatapos ng kanilang laban sa Blue Eagles. “Nagpapasalamat din ako sa Ateneo dahil tsini-cheer din nila ako.
Tulad sa FEU, dalawang taon din siyang naglaro sa Katipunan-based squad.
Nakapagtala si Tolentino ng limang puntos, tatlong rebounds at isang steal sa kanyang huling laro bilang Tamaraw.
Inamin naman ng pambato ng Ateneo na si Thirdy Ravena na nahirapan silang makuha ang panalo kahit nakalamang sila ng malaki.
“FEU made it hard for us. Every possession binibigay talaga nila lahat,” ani naman ni Ravena.
Pang-apat na sunod na naghaharap ang Blue Eagles at Tamaraws sa Final Four.