Sugatan ang apat katao kabilang ang suspek na sinasabing may diperensiya sa pag-iisip matapos nitong sunugin ang inuupahan nilang bahay sa Zamboanga City at tagain ang mga kapitbahay nito.

Dinala sa ospital ang mga nasugatang sina Abdulpatta Maruji, 55-an­yos, na siyang nagsimula ng sunog; Dovie Biazon, 30, at mag-asawang Jeremia at Lovielyn Baya na nagtamo ng mga taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa ulat ng Zamboanga City Police, naganap ang insidente dakong alas-sais ng gabi kamakalawa nang sunugin ni Maruji ang inuupahan nitong bahay sa Brgy. Tugbungan.

Sinikap umanong iligtas ni Biazon si Maruji sa nasusunog na bahay subalit pinagtataga siya nito. Humingi ito ng tulong sa mag-asawang Baya na tinaga din ni Maruji.

Napadaan naman sa lugar si SPO2 Anthony Huesca at binaril sa braso si Maruji upang mapatigil ito.

Kinumpirma naman ng anak ni Maruji na mayroong dipirensya sa pag-iisip ang kanyang ama at patuloy pa itong naggagamot.

Ayon sa pulisya, posible umanong sinumpong ang suspek at sinunog ang kanilang bahay bago pagtatagain ang tatlong biktima.

Tinatayang P1.5 milyon ang halaga ng naabo sa sunog.