May sayad nasagasaan ng tren

Nakaladkad pa ng ilang metro ang isang 41-anyos na babaeng wala umano sa katinuan, bago tuluyang nasawi matapos mabangga ng rumaragasang tren ng Philippine National Railways (PNR) habang naglala­kad sa riles, kamakalawa ng umaga sa Sampaloc, Maynila.

Kinilala ni PO2 Benito Mateo, imbestigador ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), ang biktima na si Marlene Macapagal at residente ng 1732 Minda­nao Avenue, Sampaloc, Maynila.

Kinilala ang biktima ng kanyang live-in partner na si Roberto Alberto.

Nabatid na dakong alas-11:49 ng umaga nang maganap ang insidente sa southbound lane ng PNR railroad sa pagitan ng G. Tuazon at España Stations sa Sta. Mesa, Maynila.

Nalaman sa testigong si Joan Bisbal, 29, na nakita umano niyang naglala­kad sa riles ang biktima, ngunit hindi nito napansin at narining ang busina nang paparating na tren na may body number na DEL 902, na inu-operate ng mga train machinist na sina Anthony Tan at Tranquilino Solfeo.

Sanhi nito, nahagip ng tren ang biktima at nakaladkad pa ng ilang metro na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.